December 23, 2024

Kauna-unahang Metals and Engineering Innovation Center pinasinayaan sa BatStateU Malvar

OPISYAL nang pinasinayaan ang kauna-unahang Metals and Engineering Innovation Center (MEIC) sa CALABARZON sa Batangas State University (BatStateU) Malvar Campus noong Oktubre 7.

Kabilang ang naturang center sa mga inisyatiba ng Department of Science and Technology (DOST) upang palakasin ang engineering research at development sa rehiyon sa pamamagitan ng paglalaan ng advance facilities para sa mga estudyante at industry professionals upang makipagtulungan sa mga bagong proyekto.

Ang pagpapatayo nito ay inaasahang higit na magpapalakas sa posisyon ng CALABARZON bilang isang hub para sa technological advancements sa metals at engineering sector.

Ayon kay DOST Secretary Renato U. Solidum, Jr., ang MEIC ay magsisilbi bilang key player sa pagtutulak sa paglago ng ekonomiya at pagtaguyod ng sustainable development sa CALARBARZON. Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng pag-invest sa research at development upang matugunan ang umuusbong na pangangailangan at hamon sa engineering sa rehiyon.

Samantala, binigyang-diin ni BatSateU President Tirso Ronquillo ang papel ng MEIC sa pagbibigay ng platform para sa knowledge exchange at skills development sa mga industry expert at academic institutions. Dahil ang BatStateU ay ang engineering university ng bansa, nilalayon ng MEIC na tugunan ang lumalaking demands ng engineering sector at tulay ng agwat sa pagitan ng teorya at kasanayan.

Kasama ni Secretary Solidium at President Ronquillo sa inugurasyon ay sina DOST Undersecretary for Research and Development Dr. Leah Buendia, DOST-MIRDC Executive Director Robert Dizon, DOST Regional Director Emelita Bagsit, at BatStateU Malvar Chancellor Amado C. Gequinto. Dumalo rin ang mga representatives mula sa SUCs sa CALABARZON, industry partners, and micro, small, and medium enterprises (MSMEs) sa metals at engineering sector.