December 27, 2024

KAUNA-UNAHANG INTERNATIONAL YOUTH-LED SUMMIT, ILULUNSAD NG SEAMEO INNOTECH NGAYONG BUWAN

Darating sa Pilipinas ang nasa 150 youth leaders mula sa 10 mga bansa sa Southeast Asia para pangunahan ang kauna-unahang international Youth-led Summit na inorganisa ng Southeast Asian Ministers of Education Organization – Regional Center for Innovative Educational Technology o SEAMEO INNOTECH.

Gaganapin ang “Youth Summit 2023: Transforming Education on Southeast Asia” sa SEAMEO INNOTECH sa Diliman, Quezon City sa June 27-28.

Magsisilbing platform ng mga kabataang lider ang nasabing Youth Summit para maihayag ang kanilang mga hinaing, hiling na pagbabago at rekomendasyon sa pamamagitan ng “Youth Declaration” at pagbabahagi ng kani-kanilang mga programa’t innovations tungo sa pagpapaigting ng edukasyon.

Ayon kay INNOTECH Center Director at dating Education Secretary Leonor Briones, nakita ng mga kabataan ang mga hamon sa edukasyon at natukoy ang mga oportunidad para palakasin ito sa hinaharap.

Imbitado rin sa pagtitipon ang Ministries of Education at iba pang development organizations upang tukuyin ang konkretong rekomendasyon sa working models ng youth leaders.

Idinagdag naman ni Briones na sa ilalim ng kanyang pamumuno sa DepEd noon ay nakatutok ang mga programa para sa kapakanan ng mga guro kaya sa pagkakataong ito ay mapagtutuunan naman ng pansin ang mga kabataan.

Panahon na aniya para tayo naman ang matuto sa mga kabataan kung paanong mas mapauunlad ang sistema ng edukasyon sa rehiyon.

Kabilang sa mga bansang makikiisa sa Youth Summit ng SEAMEO INNOTECH ay ang Pilipinas, Cambodia, Indonesia, Malaysia, Lao PDR, Myanmar, Singapore, Thailand, Timor Leste at Vietnam.