January 23, 2025

‘Katok-Salisi’ gang sumalakay

IPINATUTUGIS na ni Manila Police District (MPD) Director P/Brig. Gen. Rolando Miranda ang ‘Katok-Salisi’ gang na tumangay ng P300,000 na cash at mahahalagang gamit ng isang babaeng negosyante sa Intramuros, Manila.

Nadiskubre ng isang 42-anyos na babae ang modus-operandi ng nasabing grupo na binuo ng apat hanggang limang katao.

Naghain na ng pormal na reklamo sa MPD-Theft and Robbery Section ang biktima na isang manager ng private company.

Sa inisyal na imbestigasyon ni P/Staff Sergeant Ryan Paculan na ipinadala niya sa kanyang hepe na si P/Lieutenant Jerry Ocampo, lumalabas na naganap ang insidente dakong alas-10:45 ng umaga kanina sa panulukan ng A. Soriano Avenue at Solana Street sa Intramuros, Manila.

Nagmamaneho mag-isa ang biktima sakay ng kanyang Ford Ranger at binabagtas ang kahabaan ng Solana Street nang katukin ng isa sa mga suspek ang kanyang passenger side door at sinabihan na naiwan ng biktima ang kanyang susi sa tailgate ng sasakyan.

Matapos bumaba sa sasakyan para tignan, nagulat na lamang siya na wala na ang kanyang bag na inilagay niya sa passenger seat na may lamang mahahalgang gamit gaya ng cellphone at P300,000.

Lumalabas sa imbestigasyon modus na ng nasabing gang na agawin ang atensiyon ng driver at limasin ang mahahalagang gamit kapag bumaba na ito sa sasakyan, sa tulong ng mga kasabwat. Habang ang dalawa naman ay magsisilbing lookout at pagnakuha na ang gamit ay magsisipulasan sakay ng isang van.

Ayon kay Miranda, tinignan na rin ng pulisya ang closed circuit television (CCTV) footage ng insidente. Kulay puti na Mitshubishi Adventure ang gamit ng mga suspek.