Dapat usigin at papanagutin ang mga pulis na bumaril at pumatay kay Jerhode “Jemboy” Baltazar, isang 17-anyos na lalaki, at itigil ang kawalang-pakundangang pamamaslang.
Hindi dapat ituring na isang “aksidente” ang kanyang pagkapaslang, at na “normal” ang kamatayan sa mga operasyong pulis, ayon sa National Union of People’s Lawyers-National Capital Region (NUPL-NCR) sa pahayag nito noong Agosto 13.
“Hindi namin tinatanggap na normal ang kamatayan bilang resulta ng isang regular na operasyong pulis,” ayon sa grupo. Dapat itong ituring bilang sadyang kriminal na pagkakasala (intentional criminal felony).
Naglilinis si Baltazar ng kanyang bangka, kasama ng isa pa, sa ilog sa Barangay NBBS Kaunlaran, Navotas City nang dumating ang mga pulis mula sa PNP-Navotas City noong Agosto 2. Sa salaysay ng mga pulis, tumalon si Baltazar sa ilog, bago sila nagpaputok. Pero ayon sa salaysay ng kanyang kapatid, nagpaputok na ang mga pulis, bago nahulog sa ilog si Baltazar. Nang nasa tubig, pinaulanan siya ng bala na sanhi ng kanyang pagkamatay.
Tinamaan siya ng bala sa kanyang kanang kamay, na isang “defensive wound,” ayon kay Dr. Raquel Fortun, ang duktor na nagsagawa ng awtopsiya sa kanyang bangkay. Ang isa pa niyang sugat ay tama ng bala sa likod ng kanyang tainga, na may “exit wound” sa kanyang ilong. Tatlong oras pa ang lumipas bago kunin ng mga pulis ang kanyang bangkay mula sa tubig. Ayon kay Dr. Fortun, may posibilidad na nabuhay pa si Baltazar kung nakuha lamang siya kaagad sa ilog.
Pagdadahilan ng mga pulis, “napagkamalan” nilang suspect sa isang insidente ng pamamaril ang biktima. Iniulat din na walang nakuhang bidyo mula sa mga “body camera” na dala ng mga pulis dahil diumano naubusan ito ng baterya.
Matapos ang pangyayari, inilagay lamang sa “administratibong suspensyon” ang walong pulis na sangkot sa krimen.
Naniniwala ang NUPL-NCR na sadya at binalak ng mga pulis ang pumatay sa naturang operasyon. “Sapat ang mga datos para isakdal sila sa kasong murder, at hindi sa kasong reckless imprudence resulting in homicide lamang.” Ang kasong reckless imprudence ay karaniwang ikinakaso sa mga aksidenteng nakasagasa sa daan.
Sa mga alituntunin mismo ng PNP, obligado ang mga pulis na gumamit ng hindi nakamamatay na pwersa kung walang “peligrong” inihaharap ang suspek na target ng operasyon. Hindi ito nasusunod, at sa mga kaso sa ilalim ng “gera kontra-droga,” tahasang nilalabag.
“Hinahamon namin ang Navotas police na pangalanan ang mga upisyal ng pulis na kinasuhan at tigilan ang paghaharang, kundiman tahasang pambabara sa pagtatanong ng publiko kaugnay sa insidenteng ito,” pahayag ng grupo.
Samantala, nagpahayag ng pagkabahala ang pamilyang Baltazar nang magtangka ang mga pulis na “kumuha ng bagong pahayag” mula sa kanila ngayong araw, Agosto 14, sa burol ng biktima. Nangangamba silang mabago ang mga pahayag at mapawangsala ang mga salarin. Kasabay nito, “binisita” rin ng mga pulis si Dr. Fortun sa kanyang upisina para “alamin” ang awtopsiya ni Baltazar.
“Oo na, alam niyo kung saan ako hahanapin,” anang duktor sa X (dating Twitter). Pahayag niya, isinapubliko niya ang “bisita” para sa “anumang proteksyon na pwedeng ibigay nito sa akin.” Bago kay Baltazar, nagsagawa rin si Dr. Fortun ng mga awtopsiya sa mga bangkay ng mga biktima ng ekstrahudisyal na pamamaslang ng “gera kontra-droga.”
More Stories
ZERO BUDGET DESERVE NI VP SARA – ESPIRITU
IMEE, VILLAR UMABOT NA SA P1-B ANG GASTOS SA POLITICAL ADS
KUWAITI NATIONAL UMAMIN SA PAGPATAY SA OFW