November 19, 2024

KASO VS PULIS, GURO NA UMATRAS SA ELECTION DUTY, SUPORTADO NG DILG

SUPORTADO ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang planong pagsasampa ng kaso sa pulis at titser na umatras sa tungkulin sa botohan sa huling minuto na nagdulot ng pagkaantala sa Barangay at Sanggunuang Kabataan Elections (BSKE).

Sa Kapihan sa Manila Bay Forum, sinabi ni Interior Secretary Benhur Abalos na kailangan munang magsagawa ng imbestigasyon upang matukoy kung itong poll workers ay mayroong sapat na dahilan kung bakit sila umatras sa kanilang mga tungkulin.

“I am supporting it. Bakit? Pinaghandaan iyan. They were trained. At importante sa lahat iyong mismong araw ng eleksiyon. This is suffrage. This is the right to vote,”  saad ni Abalos.

“Isipin mo, just because of that act, we will be denying people of that right to suffrage. That’s unthinkable. …Unless, of course, may valid reason naman,” dagdag niya.

Una nang nangako ang Commission on Elections (Comelec) na magsasampa ng kasong kriminal at administratibo laban sa mga guro na naantala ang 2023 BSKE dahil sa kanilang biglaang pag-atras sa kanilang tungkulin.

“If we study the Omnibus Election Code, criminal po iyon eh, at the same time, administrative. Hindi kasi puede [na ganun na lang eh] kasi otherwise, mauulit nang mauulit,” ayon kay Comelec chairperson George Garcia.

“Okay lang magwithdraw prior [to Election Day] kasi naiintindihan naman po namin na hindi mandatory ang Election Day service. Pero, kung halimbawa, ikaw na na-train na, pagkatapos nagkagastos-gastos na kami, tapos on the day of the election, bigla ka magwi-withdraw. Worse, iyong pinalit namin, bigla rin magwi-withdraw. Something is wrong with that,” dagdag niya.

Ayon kay Garcia, humigit-kumulang 2,530 titser ang nag-back out sa kanilang voluntary election day service sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).