Kinumpirma ng pamahalaang bayan ng Angono Rizal na may 80 kaso ng rabies ang naitatala bawat araw.
Ayon kay Angono Vice Mayor Gerardo Calderon, ang naturang bilang ay batay sa nakalap na report ng Municipal Health Office kada araw sa mga nakalipas na linggo.
Ayon sa Bise Alkalde, sa dami ng insidente ng kagat ng aso, kinakapos na aniya ng supply ng bakuna laban sa rabies ang lokal na pamahalaan.
Bilang tugon sa limitadong supply ng anti-rabies vaccines, lumikha ng isang polisiya ang lokal na pamahalaan sa bisa ng programang “Two-Plus-One,” gamit ang isang uri ng bakunang katumbas ng tatlong turok.
“We are adopting Two-Plus-One, ibang klase ng bakuna gagamitin namin. Yung unang turok equivalent ng three doses. Yun ang sagot namin,” wika ni Calderon.
Sa layong isulong ang pagiging responsableng pet owner, ipasagot sa may-ari ng nakakagat na aso o pusa ang mga susunod na turok.
“We are trying to instill discipline sa mga fur parents. Dapat responsable rin sila,” dagdag ng bise-alkalde.
Sa mga nakalipas na panahon, sagot ng Department of Health (DOH) ang supply ng anti-rabies vaccines ngunit ipinasa na sa mga lokal na pamahalaan sa bisa ng probisyon ng debolusyon sa ilalim ng Local Government Code of 1991.
Panawagan ni Calderon sa mga may alagang hayop, responsibilidad ng mga fur parents na alagaan at tratuhin ng tama ang mga alagang aso’t pusa, kasabay ng paalala hinggil sa parusang kalakip na nakasaad sa ilalim ng Republic Act 9482 (Anti-Rabies Act of 2007).
Sa ilalim ng naturang batas, P2,000 multa ang parusa sa mga ayaw pabakunahan ang mga alagang hayop, P10,000 naman ang penalty sa sakaling makakagat ang alagang asong di pa naturukan ng anti-rabies vaccine. Sa mga pet owners na tumalikod sa responsibilidad, P25,000 multa ang atas ng batas, habang P500 naman sa sandaling masilo ang mga alagang pakalat-kalat sa lansangan.
More Stories
Magtatag ng business permit at licensing office sa mga LGU para makaakit ng mamumuhunan – Gatchalian
₱152M TESDA negosyo kits hindi naipamahagi sa mga benepisyaryo
TRUST, APPROVAL RATINGS SA 4Q 2024 NI VP SARA, LUMAGAPAK – PULSE ASIA