June 5, 2025

KARNAPER NG TAXI, MAHIGIT 10 TAONG NAGTAGO, NAHULI NA

CAINTA, RIZAL — Arestado ng mga awtoridad ang most wanted person sa Rizal dahil sa kasong carnapping, matapos ang matagumpay na joint operation sa Taytay nitong Lunes ng umaga.

Kinilala ang suspek sa alyas na “Mario”, 53-anyos, isang company driver at residente ng Taytay. Dakong alas-10:15 ng umaga siya nadakip ng pinagsanib na puwersa ng Cainta Municipal Police Station’s Warrant Tracker Team at ng Provincial Highway Patrol Team-Rizal sa Barangay San Juan.

Ang pagkakaaresto kay alias Mario ay base sa isang warrant of arrest para sa paglabag sa Republic Act 6539 o Anti-Carnapping Act. May rekomendadong piyansang P180,000 para sa kanyang pansamantalang kalayaan.

Lumabas sa imbestigasyon na nag-ugat ang kaso noong 2013 matapos umanong itakbo ni Mario ang isang taxi na kanyang minamaneho patungong Pasig City. Mula noon ay nagtago ito sa batas sa loob ng mahigit isang dekada.

Kasalukuyan nang nasa kustodiya ng Cainta PNP ang suspek para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon. Naibalik na rin sa korte ang kopya ng warrant of arrest.