SWAK sa kulungan ang isang umano’y karnaper matapos maaresto ng mga tauhan ng Valenzuela City Police apat na oras makalipas na magsumbong ang biktima, kamakalawa ng hapon.
Kinilala ni Valenzuela police chief P/Col Salvador Destura Jr ang naarestong suspek bilang si Raymond Arzala, 45, residente ng Apolonia, St., Brgy. Mapulang Lupa
Ayon kay PCpt Christian Famorcan, hepe ng Sub-Station 8. dakong alas-9:50 ng umaga nang bumaba si Melencio Santos Jr., 36, drayber ng Grab ng Kabatuhan St., Brgy. Mapulang Lupa sa kanyang gray/ blue Toyota Vios sa Kabatuhan, Home Centrum upang bumili ng gulay habang naiwang nakabukas ang makina nito.
Makalipas ang ilang minuto, biglang sinakyan ng suspek ang nakaparadang kotse at tinangay patungo sa direksiyon ng Barangay Ugong kaya kaagad na humingi ng tulong si Santos sa SS8.
Kaagad namang ipinaalam ni PCpt Famorcan sa lahat ng Sub-Stations ng Valenzuela police ang description ng kotse para maharang kung saan kasamang natangay sa sasakyan ang cellphone ng biktima na ginagamit niya sa pagmamaneho sa Grab.
Ani PLt Armando Delima, hepe ng Station Investigation Unit (SIU), sa pamamagitan ng ‘GPS tracker’ na naka-install sa cellphone ng biktima ay nagawa nilang ma-track ang lokasyon ng kotse na nasa Manila North Cemetery kaya agad nilang pinuntahan kasama ang biktima hanggang sa mahanap nila na nakaparada sa Street No. 30 sa loob ng nasabing sementeryo.
Sabi ni PLt Ronald Bautista, inabangan nila na balikan ng suspek ang sasakyan hanggang bandang alas-2:20 ng hapon ay dumating umano si Arzala at pumasok sa naturang kotse at nang akma nitong paaandarin ay agad siyang pinosasan ng mga nakaabang na operatiba.
Narekober sa suspek ang cellphone ng biktima at susi ng sasakyan nito habang nakuha sa loob ng kotse ang plaka na tinanggal ni Arzala na napag-alaman ng pulisya na may dati ng kaso sa ilegal na droga at nahuli sa Lungsod ng Quezon noong Hunyo 9, 2019.
Si Arzala ay nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 6539 na inamiyendahan ng Republic Act 10883 o New Anti-carnapping Act. (JUVY LUCERO)
More Stories
Magtatag ng business permit at licensing office sa mga LGU para makaakit ng mamumuhunan – Gatchalian
₱152M TESDA negosyo kits hindi naipamahagi sa mga benepisyaryo
TRUST, APPROVAL RATINGS SA 4Q 2024 NI VP SARA, LUMAGAPAK – PULSE ASIA