
MAYNILA — Nanawagan ngayong Biyernes, Mayo 30 ang Teachers’ Dignity Coalition (TDC) sa Commission on Elections (Comelec) na magbigay-linaw ukol sa karagdagang P1,000 honoraria na ipinangakong ibibigay sa mga gurong nagsilbi noong May 12 elections.
Ayon kay TDC National Chairperson Benjo Basas, marami na ang nagtatanong kung nasaan na ang nasabing insentibo, lalo’t matagal na itong inihayag ng Malacañang, ngunit wala pa ring opisyal na pahayag mula sa Comelec.
“Maraming nagtatanong kung nasaan na itong additional P1,000 sa honoraria nung mga nagsilbi nung halalan, wala pang opisyal na sagot o pahayag ang Comelec ngayon,” ayon kay Basas.
Giit ng grupo, hindi pa nakakatanggap ng karagdagang honoraria ang alinman sa kanilang mga miyembro kahit kinumpirma na ng Department of Budget and Management (DBM) noong Mayo 19 na naipasa na sa Comelec ang pondo.
“Halos dalawang linggo na mula nang kinumpirma ng DBM na released na sa Comelec ang pondo, ngunit wala pa ni isang guro ang nag-ulat sa amin na nakatanggap,” dagdag pa ni Basas.
Bagaman naiintindihan ng grupo na maaring hindi naisabay ang karagdagang P1,000 sa orihinal na honoraria, nais nilang matiyak na ito ay maibibigay agad at hindi ipagpapaliban nang matagal.
Isa pa sa gustong malinawan ng mga guro ay kung papatawan pa rin ito ng 15% tax, gaya ng naunang honoraria.
“Isa pang gusto naming maiklaro ay kung bubuwisan pa rin ba ito ng 15 percent, kagaya ng nauna,” sabi ni Basas.
Nanawagan ang TDC sa Comelec na agad maglabas ng pormal na advisory upang sagutin ang mga agam-agam at tiyakin na makakarating ang karampatang bayad sa lahat ng poll workers.
More Stories
DOH: Walang Lockdown Dahil sa Mpox, Mag-ingat sa Fake News!
Pagpapalawak ng P20 rice program, pinuri ng Navotas solon
ILIGAL NA ‘PAKYAWAN’ PAY SYSTEM? TULFO AT DOLE SUMALAKAY SA PAGAWAAN NG CHICHIRYA