January 23, 2025

Karagdagang health protocol, inilatag ng grupo ng medical professional

NANINIWALA ang sektor ng medical professionals na hindi na kakayanin ng Pilipinas ang panibagong ECQ  lalo na at napakalaking bilang ng mga Filipino ang nawalan na ng trabaho kung kaya hindi na maiiwasan ang bumalik sa paghahanapbuhay ang mga mamamayan

Kumbinsido rin ang samahan ng mga doktor na matagal pa bago makapag-formulate ng gamot laban sa COVID-19.

Kaugnay nito, nilinaw ng mga doktor na mahalaga ang papel ng bawat indibiduwal bilang tunay na frontliners, na tinawag nila na unang  line of defense laban sa COVID-19 upang hindi na kumalat ang sakit na posibleng magbukas na naman sa pangalawang ECQ,

Ipinunto rin ni Dr. Romelei Camiling-Alfonso, technical staff  ng Philippine Society of Public Health Physicians, na sa pagbabalik sa trabaho ng mga manggagawa, kailangang sapat ang kahandaan upang makatiyak na hindi kakalat o magkakahawa-hawa

Ginawa ng doktor ang pahayag matapos na matukoy na kumakalat ang virus na dala ng hangin.

Kailangan aniya na magkaroon ng sapat na bentilasyon sa mga pampublikong sasakyan, mga  lugar ng trabaho, kasabay nang pagsusuot ng face shield at pagsasagawa ng aktibidad sa mga pampublikong lugar.

Bukod aniya ito sa health protocols na pinairal ng IATF na paghuhugas ng  mga kamay, paggamit ng alcohol, pagsusuot ng face masks at physical distancing.

Una nang nanawagan ang Philippine College of Physicians, Philippine Medical Association, Philippine Society for Microbiology and Infectious Diseases,  Philippine College of Chest Physicians, Philippine Pediatric Society, Philippine College of Occupational Medicine, at Philippine Society of Public Health Physicians sa pamahalaan at publiko na magkaisa sa paglaban sa coronavirus.