
MAYNILA — Naglunsad ng press conference ang Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ) kasama ang mga samahan ng mangingisda at kaalyadong grupo noong Mayo 28, 2025 upang manawagan ng isang pambansang kilos-protesta sa nalalapit na paggunita ng National Fisherfolk’s Day ngayong Mayo 30.
Ayon kay Ian Rivera, National Coordinator ng PMCJ, matagal nang dumaranas ng istruktural na inhustisya ang mga maliliit na mangingisda dulot ng mga polisiyang makakapitalista na nakaugat pa noong dekada 1980 sa ilalim ng Marcos Regime, na itinutulak ng IMF-World Bank at ipinagpatuloy ng mga sumunod na administrasyon.
“Ang laban ng mga inaaping sektor ay may iisang ugat — ang pagpapatupad ng mga neoliberal na batas. Hindi naiiba ang sinapit ng mga artisanal fisherfolk. Ang Amended Fisheries Code ay nagbigay daan sa mga komersyal na bangka upang mangisda sa loob ng 10.1 kilometrong sakop ng munisipal na tubig, habang pinapahintulutan naman ng Water Code (PD 167) ang sobrang pagkuha ng tubig — hanggang 300% sa kaso ng aquifer sa Metro Cebu,” ani Rivera.
Dagdag pa niya, ang ganitong mga polisiya ay hindi lamang pumipinsala sa kabuhayan ng mga mangingisda kundi nagpapalala rin sa climate crisis. “Kung hindi ito titigilan, tuluyang mabubura ang biodiversity sa dagat at mawawala ang karagatang dapat sana’y para sa lahat. Ang naging desisyon pa ng Korte Suprema pabor sa malalaking korporasyon ay tila isang ‘huling dagok’ sa kabuhayan ng mga mangingisda,” babala ni Rivera.
Bukod sa commercial fishing, kinondena rin ng grupo ang mga proyektong mina at mga planta na gumagamit ng fossil fuel sa iba’t ibang panig ng bansa — gaya ng sa Zambales — na ayon sa kanila ay bahagi ng iisang balangkas ng komersyalisasyon ng likas-yaman.
Sa nasabing press conference, inilahad din ni Laica Rayel, Campaign Head ng PMCJ para sa Food, Land, Water, and Climate, ang kabiguan ng mga ahensya ng pamahalaan na bigyang pansin ang mga petisyon ng iba’t ibang grupo mula pa noong Disyembre 2024 hinggil sa naturang usapin.
“Ang katahimikan ng mga kinauukulang ahensya ay hindi kawalan ng aksyon kundi pakikiisa sa interes ng kita at negosyo. Hindi nila pinangangalagaan ang karapatan at kabuhayan ng mga mangingisda,” saad ni Rayel.
Kabilang sa mga grupong lumahok sa press conference ay ang Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (PAMALAKAYA-Pilipinas), Samahan ng mga Maliliit na Mangingisda – Aniban ng Manggagawa sa Agrikultura (SAMAMA-AMA), at Pagkakaisa ng mga Samahan ng Mangingisda (PANGISDA-Pilipinas).
Nakatakda ang kilos-protesta ng PMCJ at mga grupo ng mangingisda sa Mayo 30, 2025, sa Mendiola, Maynila, kasabay ng National Fisherfolk’s Day, upang igiit ang pagtigil sa mga patakarang pumipinsala sa karagatan, kabuhayan, at kalikasan.
More Stories
PBA Season 49: Ginebra vs Meralco, TNT vs NorthPort—Laban para sa Quarterfinals
TEVES, BALIK PILIPINAS! BALO NI DEGAMO NAGPASALAMAT KAY PBBM AT SA TIMOR-LESTE
Gen. Torre bagong PNP chief; CHED at OSG may kapalit na rin