January 23, 2025

Kap Masaoay talagang pasaway ng Barangay 185, Tala Caloocan City

Iba talaga ‘pag ikaw ay malapit sa kusina. At kung ikaw ay malakas sa Mayor ano pa mang gawin mong pagsasamantala siguradong ligtas ka sa asunto at pagkastigo!

Kamakailan lamang inereklamo na naman itong si Kap Roni Masaoay ng Barangay 185 Caloocan City dahil binusog na naman ang kanyang mga kaanak at mga kawani nang pagbibigyan ng P15,000 na ayudang pangkabuhayan mula sa DSWD.

Ang ayudang pangkabuhayan ay  benepisyo mula sa DSWD  para sa mga maliliit na negosyanteng ng lungsod na lubhang naapektuhan ng pandemya.

Ayon sa source sa halip na ipamigay ni Masaoay ang P15,000 sa mga tunay na nangangailangan, ipinamudmod niya ito sa malalapit sa kanya  kabilang na dito ang kanyang mga kaanak at tauhan sa kanyang barangay.

Kabilang dito sina Engracia Lampa, Roslie Aguillon, Ernestina Espayos, Gil Macaranas, Delia Diaz, Erminda dela Cruz, Albert Dayawon, Rowena Bagaporo, Merly Sobreviga at kumakana  pa din ang dati nang akusado sa pamemeke na si Ehrica Jane Imbat Francisco  na pawang mga  empleyado ng Barangay 185.

Base sa imbestigasyon ng DSWD mga Cabalen itong makapal na mukhang kapitan ng barangay 185 ang personal na namili ng mga taong mabibiyayaan ng ayuda. Ang mga taong ito ay kanyang mga kaanak at empleyado na hindi nagmamay-ari ng ano mang negosyo.

Ang kakapal naman ng mukha ninyo! Ang lalakas ng loob ng mga taong ito na kunin ang ayudang hindi para sa kanila. Pero naniniwala po ako mga Cabalen na hindi titigas ang mukha ng mga ito kung walang basbas ng kapitan, ‘di po ba?

Naku! Ano na kaya ang ginagawa ni Mayor Oscar “Tao ang Una” Malapitan sa Kap Masaoay na ito na ilang beses nang nabubuko sa katiwalian?

Magkano ba ang komisyon kada ulo? Kaya kahit na ano pong gawin natin wala tayong makukuha na angkop sa ating katayuan sa buhay.

Sino ba ang dapat sisihin? Kapitan na makapal ang mukha o ang DSWD na inasa na lamang sa mga mandarambong ang pamimigay ng ayuda?

Hindi pa nga po yata napapanagot ni Mayor Oca si Francisco na tauhan at utusan ni Kap. Masaoay sa Barangay 185 dahil sa pagkolekta ng ayuda sa Western Union at napag-alamang gumagamit ng pekeng ID na gawa mismo ng tauhan ng barangay. Sino ang may utos nito? Sigurado alam ito ng kapitan.

Mayor Malapitan, kastiguhin na ninyo ang kapitan ninyo kahit pa siya ay inyong kaalyado.

Kasalukuyan na pong iniimbestigahan ng DSWD ang anomalya at kakasuhan daw nila ang mga tauhan ng barangay na sangkot dito.

Hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa po nagbibitiw ng salita o dahilan si Masaoay. Pasaway ka talaga!