January 23, 2025

Kankaloo kulelat sa pagpapababa ng active COVID-19 cases sa CAMANAVA; 2 patay sa pandemya sa Malabon

Habang 37 na lamang ang active COVID-19 cases sa Navotas, 44 sa Malabon at 74 naman sa Valenzuela, nananatiling halos 200 ang aktibong kaso ng pandemya sa  Caloocan City.

Nakasaad sa ulat ng  Pamahalaang Lungsod ng Caloocan na may petsang Nobyembre 12 na 11, 992 na ang confirmed cases ng pandemya sa lungsod, 11,463 na ang gumaling, at 330  na ang namamatay.

Ang nalalabing bilang na 199 ang nanatiling aktibong kaso, at ganoon din ang pigura matapos isa-isahin ang mga active cases sa bawat isa ng 188 barangay ng lungsod.

Samantala, ayon sa Malabon City Health Department,  dalawang pasyente ang binawian ng buhay sa lungsod: tig-isa mula sa Barangays Maysilo at Santulan at  pumalo na sa 216 COVID death toll ng lungsod nitong Nobyembre 15.  

Apat naman ang nadagdag na confirmed cases sa nasabing petsa at sa kabuuan ay 5,695  na ang positive cases s, 44 dito ang active cases. Ang mga bagong kaso ay naitala sa Barangay Maysilo (1), Panghulo (1), at Santulan (2).

Dalawang pasyente naman ang nadagdag sa mga gumaling. Sila ay mula sa Barangay Tinajeros (1) at Tugatog (1). Sa kabuuan ay 5,435 ang recovered patients ng Malabon.

Sa lungsod naman ng Navotas ay  walang naitalang dagdag na kaso ng COVID-19 at apat ang gumaling nito ring Nobyembre 15.

May kabuuan nang 5,194 ang tinamaan ng COVID sa Navotas.  Dito ay 5,003 na ang gumaling, 154 ang namatay at 37 na lamang o 0.7 % ang active cases. Noon namang Nobyembre 14 ay iniulat ng City Health Office ng Valenzuela City na 7,991 na ang nagpopositibo sa COVID-19 sa lungsod, 7,669 na ang gumaling, 248 na ang namatay at 74 na lamang ang active cases sa siyudad.