
MANILA – Sunod-sunod na disqualification complaints ang isinampa sa Commission on Elections (COMELEC) laban sa isang congressional candidate sa Quezon City at mag-asawang politiko sa Laguna dahil sa umano’y lantaran at sistematikong vote-buying at paggamit ng mga government resources para sa kampanya.
Target ng dalawang magkahiwalay na reklamo si Rose Nono Lin, na muling tumatakbo bilang kinatawan ng 5th District ng Quezon City.
Ayon sa petisyon ni Ligaya Sta. Ana, ginamit umano ni Lin at ng kanyang kampo ang Maundy Thursday (April 17) para sa ilegal na pangangampanya sa pamamagitan ng pagpapatayo ng tent malapit sa Nova Plaza Mall kung saan namigay sila ng libreng refreshments habang hayagang humihingi ng boto.
“Ginawang entablado ng kampanya ang isang banal na araw. Imbes na pagninilay, naging pamumulitika,” giit ni Sta. Ana.
Bukod pa rito, nagsumite rin si Karen Altar ng petisyon na nagsasaad ng umano’y pamimigay ng bigas, pera, at campaign materials mula Marso 29 hanggang Abril 21, na aniya’y personal niyang naranasan sa mga event na dinaluhan niya.
Kilalang dating konektado si Lin sa Pharmally Pharmaceutical Corporation, na nasangkot sa anomalya sa mga COVID-19 supply deals noon.
Laguna Power Couple, Di Rin Pinalagpas
Hindi rin nakalusot sa reklamo ang mag-asawang sina Gov. Ramil Hernandez at 2nd District Rep. Ruth Hernandez sa Laguna, na parehong gustong magpalit ng posisyon sa darating na halalan.
Sa petisyon ng pribadong mamamayan na si Celito Baron, ibinunyag na namigay umano ang kampo ng mag-asawa ng t-shirts na may larawan nila, pagkain, tubig, at envelope na may lamang PHP2,000 sa isang poll watchers’ orientation event.
Mas mabigat pa, inakusahan rin sila ng paggamit ng government-issued health cards o “blue cards” para makapang-impluwensiya ng mga botante.
COMELEC, Tahimik Pa
Sa ngayon, wala pang opisyal na pahayag ang kampo ng mga inirereklamo, habang iniimbestigahan na ng COMELEC ang mga kasong ito alinsunod sa Omnibus Election Code.
Kung mapatunayang may sala, maaaring madiskwalipika ang mga nabanggit sa pagtakbo at harapin ang kaukulang parusa sa ilalim ng batas.
More Stories
Kailan Malilinis ang Pangasinan sa Salot na Sugal?
Islay Bomogao todo-handa para sa IFMA World Championships; target ang tagumpay sa Muay Thai sa Turkey
SSS, Pinalawak ang mga Programang Pautang para sa mga Miyembro at Pensyonado