Muling nananawagan sa ating pamahalaan ang mga konsernadong mamamayan sa bayan ng Calatagan, lalawigan ng Batangas.
Matagal na itong pangangalampag pero naging tengang – kawali ang mga kinauukulan noon partikular ang mga nagbigay anila ng pahintulot na lapastanganin ang magandang kapaligiran at kalikasan partikular noong nakaraang administrasyon.
Wish nila ngayong maagang bahagi ng taong 2021 ay mapigilan na ang malawakang pagku- quarry sa Calatagan na tunay nang panganib sa kanilang buhay kapag napabayaan at hinayaan ang pagkasira ng kanilang dating mahalinang kapaligirang likas na kaloob ng Maykapal sa sangkatauhan.
Sa hinaing na ipinarating sa korner na ito ng mga mismong taga- Calatagan, namumuhay na sila ngayon sa takot at agam-agam sa napipintong pagdating ng isang man – made calamity kundi aaksiyon ang gobyerno.
Magiging masahol pa sa pandemya, super typhoon o volcanic eruption ang tatama sa kanila kung patuloy ang pagkagahaman ng iilan na nagkakamal ng salapi at wala silang pakialam sa delubyong sasalanta sa bayan dahil sa kanilang kasakiman.
Ang siste pa dito, silang mga kampon ng demonyong sumisira ng kapaligiran na ang mga nakikinabang ay di naman taal na taga- Calatagan.
Kung mangyari man ang kinatatakutan ay may ibang lugar silang pagkakanlungan. Anong mangyayari sa mga taal na residenteng buong buhay nila ay sa kanilang mahal na bayan nakalaan?
Ayon pa sa mga apektadong Calatagueños, ang pagku- quarry doon ay walang puknat hangga ngayon kaya sobra na ang pinsala sa kabundukan ng Calatagan at naging pipi at bulag ang ilang nakikinabang sa dambuhalang kapitalistang walang konsensiyang DAYUHAN.
Kakomplut umano ang pamununuan ng lalawigan ng Batangas, pamahalaang bayan ng Calatagan, mga dati at incumbent na Kapitan at Konsehal habang di makapiyok ang mga ordinaryong residente ng mga nalalapastangang mga barangay ng Lucsuhin,Biga, Paraiso, Balibago at sa Lago de Oro— na tinambakan na ng lupa ang tabing-dagat habang ang mga ilog ay namamatay na rin ang likas nito.
Lumulubog na ang mga kabahayan sa madalas na pagbaha at lusakan na ang mga malapit sa dagat.Wasak na rin ang mga sementadong kalsada na dinadaanan ng mga quarry trucks na puno ng lupa at bato galing sa bundok.
Kaya labis na ang pangamba ng mayoryang sambayanan at nagpapasaklolo na sila sa national government at sa pamamagitan ng korner na ito ay maiparating ang kanilang hinaing kay Pangulong Rodrigo Duterte , sa DENR sa pagkasira ng environment at DILG na warningan ang LGU ‘s doon upang mapigilan ang senaryong catastrophe sa Calatagan.
Tinatawagang atensiyon ng korner na ito si Sec .Roy Cimatu at USec Benny Antiporda, Sec.Año at Usec Diño at ang ating Pangulong Duterte mismo. Kung wala pang aksiyon ngayon, kailan pa?Kawawa ang mga kabayan natin sa Calatagan.
Pagkatapos ng summer sa taong ito ay sunod na uli ang tag-ulan at hihilera na naman ang mga bagyo na magbabadya muli ng panganib sa mga Batangueños doon.
Huwag nang hintaying mangyari o mahigitan pa ang naperwisyong Kabikulan at Cagayan nitong nakaraang taon lang dahil sa mga walang habas na nanira ng kalikasan. Itigil na ang paglapastangan sa kapaligiran ng Calatagan,now na.ABANGAN!
More Stories
MAYOR HONEY LACUNA AT VM YUL SERVO KAHANGA-HANGA ANG TANDEM
Huling Tula ng Pambansang Bayani
Paggunita sa Kaarawan ni Emilio Jacinto, Matagumpay!