“Mga kapatid, mayroon tayong mas malaking kaaway kaysa sa mga Amerikano, ang ating mga sarili”, isang linya mula kay Heneral Artikulo Uno, o mas kilala bilang si Heneral Luna. Ngunit marami ang ibig nitong iparating sa ating mga Pilipino.
Matatandaang naglunsad ang gobyerno ng isang sinserong programa kung saan hinihikayat nito ang mga rebeldeng kasapi ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF) at Militia ng Bayan (MB) na magbalik-loob sa gobyerno. Ang programang ito ay tinatawag na Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP) kung saan makakatanggap ang mga sumukong rebelde ng tulong pinansiyal bilang panimula sa kanilang pagbabagong buhay.
Dahil ang E-CLIP ay nakaangkla sa “whole of nation approach” ng gobyerno, mayroon ding programa ang iba’t ibang national agencies at local government units para sa mga sumusukong miyembro ng CPP-NPA-NDF at MB kagaya na lamang nang pagbibigay suporta sa pag-aaral ng kanilang mga anak, pagkakaroon ng pangkabuhayan at marami pang iba.
Tamang-tama ang naisip ng gobyerno. Sa katunayan, maganda ang hangaring ito para mahikayat nila ang armadong grupo na magbalik-loob sa gobyerno. Buwan-buwan ay parami nang parami ang mga kusang sumusuko sa gobyerno dahil sila’y namulat sa katotohanang walang magandang patutunguhan ang armadong pakikibaka.
Napagtanto nila na ginagamit lamang sila ng armadong grupo na binuo ni Joma Sison para sa kanilang pansariling interes at upang hadlangan ang pag-unlad ng Pilipinas.
Sa mga natitirang miyembro ng CPP-NPA-NDF at MB na ngayon ay nagdadalawang-isip, isaalang-alang sana nila na hindi gobyerno ang kalaban kundi ang kanilang sarili; ang sariling hinayaang magamit at maloko ng iba upang gumawa ng masama laban sa kapwa at bayan.
Ngayong tumuntong na tayo sa “ber month” at nalalapit sa buwan ng Disyembre, may mga magulang, anak, at kamag-anak na naghihintay na sila ay bumaba mula sa kabundukan at sabik na sabik na ring makasama sila upang sabay nilang ipagdiriwang ang nalalapit na Kapaskuhan.
Kung ang mga rebeldeng miyembrong ito ay marunong kuno na makipaglaban para sa inang bayan, bakit ang sariling pamilya ay kanila na lamang pinabayaan? Anong karapatan meron ang mga rebeldeng ito upang ipaglaban ang bayan kung ang pamilya nga naman nila ay basta-basta na lamang iniwan?
Ginagawa ng gobyerno ang lahat ng kanyang makakaya upang makamit ang pangmatagalang kapayapaan at matiyak na ang lahat ng mga Pilipino ay nagkakaisa.
Kaya naman, patuloy na nananawagan ang gobyerno sa mga rebeldeng miyembro ng CPP-NPA-NDF at MB na sumuko na, magbalik-loob, magbagumbuhay at manirahan nang tahimik at mapayapa kasama ang kanilang mga pamilya.
Sabihin na nating maaaring isa ang E-CLIP sa mga solusyon upang makamit natin ang minimithing kapayapaan at kaunlaran ng ating bansa ngunit hindi magiging matagumpay at epektibo ang programang ito kung hindi sila makikipagtulungan at makipag-ugnayan sa gobyerno. Marami ng problema ang Pilipinas, dadagdagan pa ba? Mas marami sanang bagay ang pwedeng paggamitan ng pera at pondo, lalo na sa panahon natin ngayong pandemya.
Kaysa masayang ang pagkakataong ito, mas magandang pag-isipan ng mga rebeldeng miyembro ng CPP-NPA-NDF at MB ang magandang maidudulot ng E-CLIP hindi lang para sa ating bansa kundi para na rin sa kanilang buhay at pamilya. Hindi pa huli ang lahat dahil ang kinabukasan ng mga rebeldeng ito ay nakasalalay hindi sa gobyerno kundi sa sarili nila.
More Stories
BILANG NG KASO NG DENGUE SA NCR LUMOBO
LGUs, TV stations, Simbahang Katoliko pinagkakatiwalaang sektor sa ‘Pinas
SUV SA VIRAL VIDEO GUMAMIT NG PEKENG “7” PROTOCOL PLATE – TULFO