April 19, 2025

KAGAWAD TIMBOG SA PANINILIP SA DALAGITA!

BATANGASHindi na nakalusot! Sa halip na magbantay ng resort, paninilip sa menor de edad ang inatupag ng isang barangay kagawad sa San Juan, Batangas noong Biyernes Santo.

Timbog ang 53-anyos na kagawad na kinilalang si alyas “Cosme”, matapos umanong mahuling sumisilip sa naliligo na 17-anyos na dalagita sa banyo ng isang cottage sa Penie House Rental Resort sa Brgy. Hugom, bandang alas-11:40 ng gabi.

Ayon sa report ng pulisya, naliligo ang biktimang si alyas “Chammy” ng Calamba City, Laguna, nang mapansin niyang may matang nakasilip sa butas ng banyo — at laking gulat niya nang makitang ang bumoboso ay mismong may-ari ng resort na si Kagawad Cosme!

Agad niyang isinumbong sa kanyang ina ang insidente, na humingi ng saklolo sa mga pulis na naka-duty sa Laiya Pac Base. Hindi nag-atubili ang mga awtoridad at agad dinampot si Kagawad!

Ngayon, naghihimas ng rehas si Cosme at mahaharap sa kasong paglabag sa RA 7610 o ang Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.

Gigil na gigil ngayon ang mga netizens at residente ng San Juan, na umaasang hindi lang kulong, kundi mas mabigat na parusa ang ipataw sa tiwaling opisyal! (ERICHH ABRENICA/KOI HIPOLITO)