December 21, 2024

KABATAAN NG MAKABAGONG HENERASYON

“Iba na talaga ang mga kabataan ngayon” – ito ang mga katagang madalas nating madinig sa mula sa mga matatanda.

Minsan ay maganda, at madalas ay masama ang nais ipahiwatig ng mga sumasambit nito. Na tila ba sinasabing ang mga kabataan ngayon ay bibihirang magtamasa ng hirap ng buhay di tulad noong mga nakaraang panahon dahilan para palaging mapuna ang pag uugali ng mga bagong pag-asa ng bayan.

Tunay naman na iba na ang mga kabataan ngayon sapagkat sila ay namukadkad sa modernong panahon kung saan mataas na ang antas ng ating teknolohiya at makabagong kapaligirang tunay na malayo sa naranasan ng mga nakatatanda sa kanila.

Subalit sa ganunpaman ay hindi natin maiaalis sa bagong henerasyon ng kabataan ang ideyolohiyang sila ang mga bagong pag-asa ng ating bayan. Sa kanila nakasalalay ang kinabukasan ng ating bansa at ng mga susunod pang henerasyon sa ating lipunan.

Sa kabila ng napakaraming kaginhawaan na pupwede nating iparanas sa ating mga kabataan, kinakailangan din na masigurado natin ang maililibag sa kanilang pagkatao ang pagiging maka-Diyos, maka-Kalikasan, maka-Tao at maka-Bansa sapagkat ito ang mga matitibay na sandigan upang masigurado natin ang pag-asang hatid nila sa hinaharap.

Unang-una dito ay ang mabisa at wastong paggabay ng magulang sa kanilang mga anak. Marahil nga ay iba na ang mga kabataan ngayon. At sa pagpapatuloy ng mga pagbabagong kaganapan sa ating komunidad, mananatiling pag-asa ng Inang Bayan ang ating mga kabataan.

Tayong mga nakatatanda ang gagabay, magpapangaral at magwawasto sa kanila. Malaki ang inaasahan ng ating bansa sa ating mga kabataan. Kinakailangang manatili ng kapayapaan at pagkakaisa sa ating lipunan nang sa gayon ay hindi sila maligaw ng landas. At mas lalo’t higit ay kinakailangan na lumaki ang ating mga kabataan sa isang maayos na tahanan. (PHILIPPINE AIR FORCE)