
PINANGUNAHAN ni Mayor Honey Lacuna ang pagdiriwang ng National Women’s Month at Social Work Month sa Maynila sa pamamagitan ng pagkilala sa mga babaeng residente at social workers para sa kanilang mga nagawa at kontribusyon sa lipunan.
Sa kanyang talumpati sa regular na flagrasing ceremony sa City Hall nitong Lunes ng umaga, nabanggit ni Lacuna ang Manila Department of Social Welfare (MDSW) na pinamumunuan ni Re Fugoso dahil sa kanilang mga pagsisikap upang matiyak na mabilis at epektibo ang tugon lalo na sa panahon ng mga kalamidad.
“Isa ang MDSW sa pinagkakatiwalaan at inaasahan natin sa lahat halos ng sakuna, mapa-bagyo, mapa-sunog, andun sila lalo na ang ating community development workers. Kasama rin sa tungkulin nila bilang ang pagiging pangalawang magulang. Sila ang nagbibigay ng panimulang edukasyon sa mga kabataan sa Maynila at isa pang pinagtutuuanan nila ng focus ay ang pagkakapantay-pantay ng karapatan ng bawat isa,” diin ni Lacuna.
Pinuri ng alkalde ang mga babaeng manggagawa sa pamahalaang lungsod ng Maynila, sinabing malayo na ang narating ng mga babae pagdating sa pagtataguyod ng bansa.
Sabi niya na dati, ang papel ng mga babae ay nakalaan lamang sa tahanan, ngunit nagbago na ang panahon kaya marami nang mga babae ang humahawak ng mga posisyon sa iba’t ibang larangan..
“Sa mga nagdaang madaming taon ay nabibigyan na ng mas mahalagang tungkulin ang mga kababaihan di lamang sa lungsod kundi sa buong bansa. Nagkaroon na ng matatayog na kababaihan sa iba’-ibang larangan gaya ng sa medisina, palakasan, pamahalaan parehong lokal at national. Nagkaroon ng babaeng Congressman, Senador, Pangulo at sa kauna-unahang pagkakataon, babaeng punong-lungsod sa lungsod ng Maynila. Kaya talagang malayo na narating ng mga kababaihan,” sabi ng alkalde.
Idinagdag ni Lacuna na kahit na napatunayan na ng mga kababaihan na kaya nilang gampanan ang mga trabaho ng mga lalaki, nakakalungkot na marami pang kailangang patunayan ang sektor at may mga bahagi pa sa lipunan kung saan kulang pa ang pagkakapantay-pantay ng kasarian.
“Marami pa ring kailangang patunayan ang mga kababaihan at hindi lahat ng pagkakataon ay masasabing pantay-pantay talaga ang pagturing sa mga kababaihan, kaya naman nagsusumikap ang ating MDSW at lahat ng departamento sa Maynila na iparamdam sa bawat kababaihan, bata man o matanda, ang pagpapahalaga sa kanila,” sabi ni Lacuna.
Dagdag pa niya: “‘Wag lang sana tuwing Marso natin ipagdiwang ang kababaihan. Puwede din ba natin ilipat sa Mayo? Kasi birthday ko sa Mayo. Muli, mabuhay sa mga kapwa ko babaeng Manilenyo!” ARSENIO TAN
More Stories
76-ANYOS NA AMERIKANO NA ILANG LINGGONG TUMIRA SA NAIA, NAKALIPAD NA PATUNGONG THAILAND
Baron Geisler pinalaya matapos magbayad ng multa (Nalasing, nagwala)
P5-M ILL-GOTTEN WEALTH CASE NG MGA MARCOS IBINASURA