January 28, 2025

JUAN DE LA CRUZ, HANDA KA NA BA SA TAONG 2022?

Juan de La Cruz, handa ka na ba sa panibagong taon?Hello 2022, goodbye 2021, ‘yan ang ating pambungad na pagbati sa papasok na taon. Tunay na hindi naging madali ang pagharap natin sa papatapos na taong 2021.


Bitbit pa kasi nito ang hamon ng pagsagupa natin sa COVID-19 pandemic. Bukod pa sa iba’t-ibang hamon ng buhay. Na nakapagbigay ng balisang kaisipan ni Juan De la Cruz.


Naging malungkot tayo at tila nawalan na ng pag-asa. Pero, nagtitiwala tayo na malalampasan natin ito ngayong 2022. Tuwing bagong taon, back to zero ang laro ng buhay.

Puno ulit ang ating life line. Kaya, nagkakaroon tayo ng panibagong lakas at pag-asa.
Pinanday na ang mga tao sa mundo, kasama na tayong mga Pilipino sa pagiging matibay. Bagamat nadapa, agad ding bumabangon. Agad tayong nakakangiti sa kaunting bagay na meron tayo.

Sa awa at tulong ng Diyos, makakaya natin to. Kung puno man ng hamon ang taong 2022, kaya na natin. Pero, sana naman, maging mabait sa atin itong taon ng Tigre. Huwag na tayong magtanong kung anu-ano pa ang mangyayari sa taong 2022. Basta, paghandaan na lang natin ito. Bitbit ang pagtitiwala sa Panginoong Diyos.


Paghandaan natin ang mga kalamidad, kakapusan, sakit at iba pa. Kahit papaano, nakabuti ang mga pagsubok upang maging matatag tayo. Gayunman, hiling natin na tama na ang 2 taon pagkakalugmok. Matapos na sana ang pandemya, bumaba ang bilihin, wala nang magkakasakit sa atin. Guminhawa nawa ang ating pamumuhay at makaahon tayo sa hirap.

Makaahon na sana tayo kahit papaano. Malay natin, may sorpresa pala sa atin ang Lumikha sa taong ito. Huwag nang umasa sa suwerte, kundi hanapin ito lakip ang paggawa. Magkaisa at magtulungan tayo.

Dahil sa bandang huli, tayong mga Pilipino rin ang magdadamayan sa oras ng pangangailangan. Happy New Year po sa ating lahat.