
QUEZON CITY — Nagsagawa ng interdiction operation ang motorcycle ride-hailing app na JoyRide katuwang ang Philippine National Police (PNP) at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa Cubao, Quezon City nitong Miyerkules, Hunyo 4, 2025, bilang bahagi ng kampanya kontra sa mga pekeng habal-habal riders na gumagamit ng pekeng JoyRide uniform.
Sa naturang operasyon, ilang rider ang nasampolan at inaresto matapos mahuling nagpapanggap bilang accredited riders ng JoyRide gamit ang pekeng uniporme at ID, habang nag-aalok ng iligal na serbisyo.
Layon ng operasyon na pigilan ang paglaganap ng mga bogus na rider na maaaring masangkot sa kriminalidad o magdulot ng panganib sa mga pasahero. Ayon sa JoyRide, ito ay hakbang upang maprotektahan ang integridad ng kanilang serbisyo at masiguro ang kaligtasan ng publiko.
“Hindi kami magdadalawang-isip na kasuhan ang sinumang manggagamit ng aming pangalan para sa ilegal na operasyon,” pahayag ng JoyRide representative.
Pinuri naman ng PNP at MMDA ang aktibong pakikipagtulungan ng JoyRide sa kampanya laban sa mga colorum at delikadong motorcycle transport operations.
Nagbabala rin ang mga otoridad sa mga driver na patuloy na magpapanggap bilang JoyRide rider:
“’Wag n’yong hintaying kayo ang isunod. May batas tayong sinusunod—at kami ang magpapatupad niyan.”
Paalala sa Publiko:
Tiyaking ang sinasakyang rider ay lehitimo, may kumpletong ID, tamang uniporme, at naka-register sa app upang makaiwas sa disgrasya o krimen.
More Stories
Impeachment Hindi Dapat Ginagawang Opsyonal
Bigas Bagsak Presyo! P20 Kada Kilo Lumalawak na — PSA
UP Law Profs sa Senado: Impeachment ni VP Sara Ituloy