June 25, 2025

Johann Chua wagi sa all-Filipino finals ng 2025 9-Ball 99 David Loman Cup

HANOI, VIETNAM — Sa isang makapangyarihang pagpapakita ng galing at determinasyon, sinibak ni Johann Chua si Jeffrey Ignacio, 13-5, sa all-Filipino finals upang masungkit ang kampeonato sa 2025 9-Ball 99 David Loman Cup nitong Martes ng gabi, Hunyo 24.

Bitbit ang matinding hangaring makabawi matapos ang pagkatalo sa kampeonato ng 9-Ball Peri Tribute Cup noong nakaraang linggo, agad na bumira si Chua at lumamang ng 7-2 sa kanilang race-to-13 title duel. Hindi na niya pinakawalan ang lamang hanggang sa tuluyang wakasan ang laban.

“2025 99 DAVID LOMAN CUP CHAMPION! Congrats rin sa aking matalik na kaibigan [na si] Jeffrey Ignacio,” ani Chua sa kanyang social media post. “Maraming salamat sa walang sawang pagsuporta niyo sa’min palagi. Laban lang tayo ng laban.”

Bukod sa tropeo, naiuwi rin ng 2023 World Cup of Pool champion ang premyong $3,200 (₱181,516) habang tumanggap naman si Ignacio ng $1,200 (₱68,068) bilang runner-up.

Ang panalo ay tila makatarungang kabayaran para kay Chua matapos siyang mabigo kontra sa home bet na si Nguyen Anh Tuan, 13-4, sa Peri Tribute Cup finals.

Bago ang tagumpay, kinailangang dumaan ni Chua sa losers’ bracket matapos matalo kay kapwa Pinoy na si Bryant Saguiped, 11-5, sa unang yugto ng torneo na may 128 kalahok.

Gayunman, muling bumangon si Chua at sunod-sunod na tinalo ang mga pambato ng Vietnam na sina Khai Tony (11-9), Le Anh Dang (11-5), at Chi Hieu (11-4), at kasamahang Pilipino na si Anton Raga (11-8).

Sa ikalawang yugto, ipinagpatuloy niya ang dominasyon sa pamamagitan ng panalo laban kina Trinh Van Binh (11-4), Dung Han (11-5), Luong Van Tuan (11-5), at Dang Thanh Kien (11-7) upang makapasok sa finals.

Ang tagumpay na ito ay patunay sa patuloy na pamamayagpag ng Pilipinas sa larangan ng bilyar sa Asya at sa buong mundo. RON TOLENTINO