HINDI napigilan ni Senator Jinggoy Ejercito Estrada na maglabas ng maaanghang na salita laban kay dating Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) agent Jonathan Morales matapos nitong ungkatin ang kanyang conviction case kaugnay sa pork barrel scam.
“Alam mo Mr. Morales, huwag mong pakikialaman yung kaso ko, problema ko yun. Yung mga kaso mo ang ayusin mo,” ayon kay Jinggoy na halatang napikon sa naging patutsada ni Morales.
Ito ang naging pahayag ni Estrada sa ginanap na pagdinig ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs sa “PDEA leaks” matapos kuwestiyunin ang statement ni Morales ng naturang senador sa umano’y pagsisinungaling.
“Parang hindi naman po maganda yung sinasabi ni Jinngoy Estrada patungkol sa akin, para naman ako talaga ang hinuhusgahan. Ako ay may kaso pa lang at hindi pa napapatunayan sa hukuman. Hindi kagaya po ng ating butihing senador eh na-convict na po. Huwag naman po ganoon,” banat ni Morales.
“Ang kaso ko hinaharap, hindi ko po tinatakbuhan,” dagdag pa niya.
Ang tinitukoy ni Morales, ang main resource person ng pagdinig, ang naging conviction ni Estarada ng isang count ng direct bribery at dalawang counts ng indirect bribery na resulta ng kontrobersiyal na pork barrel scam.
Nanatiling malaya ang senador dahil sa patuloy niyang pag-apela sa nasabing hatol.
Una na siyang inakusahan ng paglustay ng P183 milyon sa kickbacks mula sa kanyang Priority Development Assistance Fund (PDAF).
Sa kanyang opening statement, binigyang-diin ni Estrada ang malalim na responsibilidad nilang mga senador na tiyakin ang katotohanan sa mga pahayag ng mga indibidwal na tumatayong testigo o resource person sa mga ikinakasa nilang pagdinig.
“Sa mga bumabatikos sa akin na wala raw akong moral ascendancy para lumahok sa pagdinig na ito, dahil ako raw ay convicted ng hukuman, nais ko lang bigyang diin na ang pagdalo ko rito ay pagtupad sa aking tungkulin at responsibilidad bilang inyong senador na inihalal ng 15 milyong botanteng Pilipino na naniniwala sa aking kakayahan at nagtitiwala na kaya kong gampanan ang mga responsibilidad bilang isang lingkod-bayan,” paliwanag niya.
Samantala, nanatiling duda ang senador sa alegasyon ni Morales dahil sa ongoing legal proceedings at dismissal ng huli sa PDEA dahil sa dishonesty at misconduct.
Partikular na binatikos ni Estrada si Morales dahil bigo ito na isiwalat ang pagkakakilanlan ng confidential informant na nagkalat ng umano’y mga dokumento na nagsasangkot sa noo’y senador at ngayo’y Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa paggamit ng illegal na droga.
Saad ni Morales sa panel, hindi niya matandaan ang pangalan ng kanyang imformant. At kahit alam niya, hindi niya ito isisiwalat base na rin sa kanyang konsensiya. “Maliwanag na maliwanag na ang ating resource person ay nagsisinungaling,” giit ni Estrada.
More Stories
Magtatag ng business permit at licensing office sa mga LGU para makaakit ng mamumuhunan – Gatchalian
₱152M TESDA negosyo kits hindi naipamahagi sa mga benepisyaryo
TRUST, APPROVAL RATINGS SA 4Q 2024 NI VP SARA, LUMAGAPAK – PULSE ASIA