January 23, 2025

JEEPNEY OPERATORS ATRAS SA PUV MODERNIZATION PROGRAM (LTFRB kinalampag)

Ilang daang affidavits ng mga operator ng jeep ang inihain ng transport group na PISTON sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) para bawiin ang kanilang aplikasyon sa konsolidasyon.

Ayon kay PISTON National President Mody Floranda, unang batch pa lamang ito ng mga affidavit na kanilang ihahain.

Aniya pa, nasa 1,000 operator mula sa Metro Manila, Cebu, Iloilo at Bacolod ang nais nang umatras sa Public Transport Modernization Program (PTMP).

Paliwanag niya, napilitan lang mag-consolidate ang maraming operator, o sumali sa transport cooperative o korporasyon, dahil sa takot na bawiin ang kanilang prangkisa ng LTFRB.

Pero nagkaroon ng pag-asa ang grupo nang makaharap nila si Senate President Francis “Chiz” Escudero kamakailan lang.

“Sinasabi ni Senate President Chiz Escudero na walang kapangyarihan ang LTFRB na tayo ay bawian ng prangkisa sapagkat Congress yung nag-approve niyan,” ayon kay Floranda.

Aniya, umaaray na ngayon ang maraming operator magmula nang sila’y mag-consolidate.

“Kung dati meron silang natatanggap na per day, lalo sa boundary… sa ngayon ay wala silang natatanggap. Sabi nga nung nagsalita sa Senate, limang buwan na kaming walang natatanggap na galing sa aming kooperatiba,” saad ni Floranda.

Marami rin ang baon sa utang dahil sa pagbabayad ng napakamahal na membership fees ng mga kooperatiba at korporasyon.

Binanggit din ni Floranda na maaari pa ring i-withdraw ng ibang jeepney operators ang kanilang mga aplikasyon para sa consolidation hangga’t hindi pa sila naaaprubahan.

Sinabi rin niya sakaling palarin siya na manalo bilang senador sa 2025 ay kanyang unang isusulong ang pagbasura sa jeepney modernization program.