BINAWIAN ng buhay ang walong katao matapos tangayin ng rumaragasang tubig sa ilog ang isang pampasaherong jeep sa may bahagi ng Barangay Sta. Ines sa Tanay, Rizal kagabi.
Ayon kay Tanay Municipal Disaster and Risk Reduction Management Office chief Norberto Francisco Matienzo Jr., 25 pasahero ang sakay ng jeep mula sa nasabing barangay, kabilang ang mga miyembro ng Remontado indigenous community at senior citizens. Pupunta sana ang mga senior sa bayan para kunin ang kanilang ayuda mula sa lokal na pamahalaan habang ang ibang pasahero ay may dalang mga supply.
Batay sa report pito sa mga nasawi ay mga senior citizen at isang limang taong gulang na bata.
“Sa pagtatanong natin sa mga taga doon, dapat daw po alas-tres nakaangat na ‘yung biyahe natin upland, pero inabot sila ng ala-sais dahil nga doon sa pag-iintay sa ating mga senior citizen,” saad niya.
Tinukoy ni Matienzo na karamihan sa mga nasawi ay miyembro ng indigenous group.
“Nagkaroon po ng aksidente dahil according dun sa pahintante na ating na-interview, binabatak sila ng isa pang sasakyan dahil nabalahaw sila. Inabutan sila ng isang malakas na bugso o isang malakas na baha, ‘yun ang naging dahilan kaya tumaob o tumagilid ‘yung kanilang sasakyan,” dagdag pa nito.
Ayon kay Matienzo 15 ilog ang tatawarin upang makapunta sa Barangay Sta. Ines.
More Stories
Marubdob na trabaho sa POC mas taimtim sa bagong taong 2025 – Tolentino
Lalaki dinampot sa higit P300K shabu sa Caloocan
Kelot na wanted sa sexual offenses sa Valenzuela, timbog!