November 24, 2024

JAPANESE FUGITIVE ITINURNOVER SA BI

BICUTAN, TAGUIG— Arestado ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Japanese national na wanted sa mga awtoridad sa kanilang bansa.

Ibinahagi ni Immigration Commissioner Norman Tansingco na ang kustodiya ni Yoshiyuki Nishio, 59, ay itinurnover ng National Capital Region Police Office Regional Intelligence Division sa BI.

Nadakip ang dayuhan sa loob ng Camp Bagong Diwa sa Bicutan, Taguig dahil sa paglabag sa Section 1 (k) ng RA 10883 o illegal transfer of plate, RA 4136 para sa paglabag sa Land Transporation and Traffic Code at Article 172 ng RPC o Falsification of Private Individual and use of Falsified Documents.

Nabatid na si Nishio ay naaresto sa ng bisinidad ng kampo habang nasa loob ng sasakyan kung saan ang plaka ay iligal na ikinabit sa behikulo. Nagprisinta rin siya ng pekeng driver’s license.

Si Nishio, na may alyas na Kenjie Kimura, ay napag-alamang subject ng umiiral Summary Deportation Order na ipinalabas noong 2020.


Base sa impormasyong nakalap sa mga Japanese authorities, nabatid na si Nishio ay may arrest warrant na inilabas ng Osaka Summary Court noong September 2022.

May dalawa pa ring arrests warrants ang ipinalabas ng Tokyo Summary Court noong December 2019, at April 2022

Naiulat na si Nishio ay nagpanggap bilang pulis at staff member ng Financial Services Agency upang manloko ng mga Japanese nationals para ibigay ang kanilang bank details.

Siya ay kasalukuyang nakapiit sa pasilidad ng BI habang naghihintay na ipatupad ang kanyang deportasyon.