January 23, 2025

JAPAN, TUNAY NA KAIBIGAN

PINAPURIHAN ni Senador Lito Lapid si Japanese Prime Minister Kishida Fumio sa kanyang pagbisita sa Pilipinas sa gitna ng maraming hamon na kinakaharap ng ating mundo.

Sinabi ni Lapid na itinuturing nya ang pagbisita ni PM Kishida bilang isang pagpapakita ng mas malalim na pagkakaibigan at mas matatag na relasyon ng bansang Hapon at Pilipinas.

“Sa panahon ngayon na maraming hamon ang kinakaharap ang ating mundo, kailangan natin ng mga tapat na kaibigan na maasahan at masasandalan na tumulong sa pagtatanggol sa ating demokrasya at soberenya,” ayon kay Lapid

Umaasa si Lapid na ang pagbisitang ito ni PM Kishida ay lalo pang iigting ang ating ugnayan sa mga bansang tunay na kumikilala sa demokrasya at pag-iral ng batas.

Inaasahan din ng Senador na lalo pang lalawak ang relasyon pangkalakalan at pang-ekonomiya sa pagitan ng ating mga bansa sa mga darating na panahon.

“Sa matagal na panahon po ay naging mabuting katuwang natin ang bansang Hapon sa maraming proyekto na para sa ikasusulong ng ating ekonomiya,” dagdag pa ng Senador

Ayon pa kay Lapid, kaisa tayo ng maraming bansa sa paghahangad ng mapayapa at makatwirang resolusyon sa iba’t-ibang usapin na kinakaharap ng ating bayan at ng mga Filipino sa buong mundo.