November 24, 2024

JANITOR ‘NANUNOG’ NG ESKWELAHAN, 2 BAHAY NI MAYOR NADAMAY (Nawalan ng trabaho)


INARESTO ng mga awtoridad ang isang school janitor na sumunog ng paaralan sa San Carlos City, Negros Occidental, matapos mawalan ng trabaho.

Ayon sa pulisya, inihahanda na ang kaso laban sa 58-anyos na janitor na si Rico Cabales ng San Julio Subdivision, Barangay 2, San Carlos matapos lumabas sa imbestigasyon na siya ang dahilan ng nasabing sunog na naganap noong Hunyo 14.

Nadamay din sa nangyaring panunog ang dalawang bahay at inilikas ang alkalde ng siyudad na si Renato Gustilo at kanyang pamilya.

Swak sa detention cell ng San Carlos City Police Office si Cabales, at agad na sasampahan ng kasong arson sa City Prosecutor’s Office bukas, pagkatapos ng Eid al-Adha holiday, ayon kay Police Chief Master Seargeant Elmer Fajardo.
Ayon kay Fire Officer 3 Joseph Earl Solibo, nagsimila ang apoy pasado alas-3:00 ng hapon at tumagal hanggang alas-6:12 ng gabi noong Biyernes.

Inaresto si Cabales, na kilalang manginginom, matapos lumabas nitong umaga ang kuha ng CCTV footage kung saan nakita siyang sinunog ang Daisy’s ABC School sa Ylagan Street.

Umamin naman si Cabales na siya ang responsable sa panununog dahil nagalit siya sa principal ng eskwelahan matapos siyang tanggalin sa trabaho na epektibo noong huling Sabado. Nagtrabaho siya sa paaralan sa loob ng apat na buwan lamang.

Inamin din ni Cabales na nakainom siya nang sunugin niya ang paaralan gamit ang may sinding sigarilyo at isang gallon ng gasolina.

Ayon sa BFP, mabilis na kumalat ang apoy dahil mahangin nang mga sandiling iyon at nawasak ang dalawang acenstral na tahanan na pagmamay-ari ng pamilya ni San Carlos Mayor Gustillo.

Ayon kay Gustillo, na nasa Maynila ng mga panahong iyon, walang naisalbang gamit ang kanyang pamilya sa nangyaring sunog.

“We lost everything – two ancestral houses. We lost antiques and other precious furniture among other valuables as well. It cost us several millions of pesos,” aniya.

Gayunpaman nagpapasalamat pa rin siya dahil ligtas ang kanyang asawa, 31-anyos na anak na babae at house helper sa nangyaring sunog.

“I really thank the Lord for saving my family,” pasalamat ni Gustillo.

Sa ngayon, sa kapatid niya munang babae sila tutuloy ng kanyang pamilya.