December 3, 2024

IWAS HOUSE ARREST: ROQUE NAGPUNTA SA UAE

WALA na sa bansa si dating Malacañang spokesperson Harry Roque at inaasahang nasa Middle East na, kinumpirma ng Department of Justice (DOJ).

Ayon kay Prosecutor General Richard Fadullon, naghain si Roque, na nahaharap sa isang non-bailable trafficking complaint, ng kanyang counter-affidavit habang nasa Abu Dhabi, United Arab Emirates.

“According to the panel, a counter-affidavit was submitted by the lawyers of Harry Roque. It would appear that he had a document which was notarized, pero doon siya sa Abu Dhabi,” ayon kay Fadullon.

Ang kontra-salaysay na inihain ni Roque ay may tatak ng embahada ng Pilipinas sa Abu Dhabi.

Sa isang video na nai-post sa kanyang Facebook page, inamin ni Roque na nakaalis na siya sa UAE.

“Well, I had to have my sworn statement notarized. I came to [the] UAE just for the purpose of notarizing that,” dagdag ni Roque, pero tumanggi sagutin ang mga tanong ng media kung papaano siya naakalis na bansa.

Nagawang makaalis ni Roque sa bansa sa kabila ng inisyu na arrest order ng House quad committee laban sa kanya. Iniimbestigahan ng panel ang Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs). Muling ipinag-utos ng mega panel ang pag-aresto sa kanya noong Setyembre 12 matapos siyang ma-cited in contempt matapos mabigo na magbigay ng kopya ng mga dokumento kaugnay ng kanyang yaman na hinihingi ng komite.

Una rito, ipinag-utos ng House quad committee ang pagkulong sa kanya sa loob ng House premises noong Agosto, matapos siyang ma-cited in contempt dahil sa pagsisinungaling kaugnay sa kanyang hindi pagdalo mula sa isang congressional inquiry noong Agosto 16.

Matagumpay ding natakasan ni Roque ang mga awtoridad ng Pilipinas sa kabila ng immigration lookout order laban sa kanya.

Ang Hold Departure Orders (HDOs) ay isang mas malakas na mekanismo na nagpapahintulot sa mga awtoridad na pigilan ang pag-alis ng isang indibidwal mula sa bansa. Ito ay karaniwang inilalabas kapag mayroong sapat na ebidensya na ang isang indibidwal ay may kinalaman sa isang krimen o paglabag sa batas. Samantala, ang Immigration Lookout Orders (ILO) ay isang mekanismo na nagpapakita ng mataas na alerto sa mga awtoridad upang masubaybayan ang mga indibidwal na may posibilidad na lumabas ng bansa. Ito ay karaniwang inilalabas kapag mayroong mga pagdududa o pag-aalala na ang isang indibidwal ay may kinalaman sa isang krimen o paglabag sa batas.

Hindi pa rin malinaw kung bakit nagpunta si Roque sa UAE para sa notarization process.