November 23, 2024

IVERMECTIN, ‘DI PANG COVID- EUROPEAN DRUGMAKER

MANILA – Mismong ang pharmaceutical company na gumawa sa gamot na Ivermectin ang nagsabi na walang sapat na ebidensya na mabisa ito laban sa coronavirus.

Pahayag ito ng Germany-based multinational companya na Merck, sa gitna ng mga panawagan na i-konsiderang magamit ng mga pasyente ng COVID-19 ang Ivermectin.

“We do not believe that the data available support the safety and efficacy of Ivermectin beyond the doses and populations indicated in the regulatory agency-approved prescribing information,” ayon sa statement ng kompanya.

Patuloy umanong pinag-aaralan ng kanilang scientists ang resulta ng mga pananaliksik na ginawa sa Ivermectin bilang COVID-19 tretment.

Kabilang daw sa sinuri ay ang detalye ng pagiging epektibo at ligtas ng nasabing gamot sa coronavirus patients.

Natuklasan umano ng Merck scientists na sa ngayon walang sapat na scientific basis bilang potensyal na gamot laban sa COVID-19 ang Ivermectin.

“No meaningful evidence for clinical activity or clinical efficacy in patients with COVID-19 disease, and; a concerning lack of safety data in the majority of studies.”

Rehistrado sa ilalim ng brand na STROMECTOL ang Ivermectin Estado Unidos, at ayon sa Merck, ito ay para sa “intestinal strongyloidiasis.”

Dito sa Pilipinas, patuloy ang debate ng medical community at mga opisyal ng gobyerno sa paggamit ng naturang gamot.

Ilang kongresista kasi ang patuloy na nananawagan para gamitin ang Ivermectin sa COVID-19, sa kabila ng pagpa-paalala ng health experts sa posibleng panganib nito.

Kabilang sa mga nananawagan sina 1PACMAN Rep. Enrico Pienda, Anakalusugan Rep. Mike Defensor, BH Party-list Rep. Bernadette Herrera-Dy, Ilocos Sur Rep. Kristine Meehan, Manila Teacher’s Party-list Rep. Vigilio Lacson, at SAGIP Rep. Rodante Marcoleta.

Maging si House Speak Lord Allan Velasco ay nakisali na rin sa panawagan.

“Bigyan sana natin ng pagkakataon, na huwag na nating pairalin ‘yong bureaukrasya, masyadong matagal, sapagkat extraordinary measures po ang kailangan,” ani Marcoleta sa isang hearing ng Kamara kamakailan.

Pare-parehong mga walang karanasan sa medisina ang mga nabanggit na mambabatas.

Una nang sinabi ng Food and Drug Administration ng Pilipinas na bagamat may rehistradong Ivermectin sa bansa, ito ay para naman sa mga hayop at pamahid sa balat ng tao.

Ayon sa Department of Health, bukas ang kagawaran na makipagtulungan sa mga nagsusulong sa Ivermectin, pero kung ito ay para sa clinical trials.

“We have to do it in a scientific process kasi kung hindi, hindi natin masisiguro na ito ay ligtas at magkakaroon ng proteksyon sa ating mga kababayan,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire. Inirekomenda ng World Health Organization kamakailan na limitahan lang muna ang paggamit ng Ivermectin sa clinical trials.