December 24, 2024

Isolation facilities ng Valenzuela, dinagdagan ng DPWH, IATF

MALUGOD na nagpasalamat si Valenzuela City Mayor Rex Gatchalian sa  Department of Public Works and Highways (DPWH) at Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) sa pagpapatayo ng isa pang isolation facility lungsod.

Ani Gatchalian ang pasilidad na matatagpuan sa Arkong Bato ay magsisimula nang paganahin sa susunod na linggo.

Ang nasabing pasilidad ay madaragdag sa 1,000 kama para sa COVID-19 patients na pinagagana ng lungsod.  

Ang unang isolation facility na nagawa na ng DPWH para sa Valenzuela ay may 40 kama.

Samantala, bilang karagdagang pag-iingat sa pagkalat ng COVID-19, ang Sangguniang Panlungsod ng Valenzuela ay nagpasa ng ordinansa na nagsusulong ng maingat na pagtatapon ng mga gamit na face mask at face shield.

Bago ang araw ng koleksyon ng basura, ang mga gamit na face mask at face shield ay dapat munang i-disinfect gamit ang chlorine-based solution.

Ang mga ito ay dapat itapon sa dilaw na garbage bag o sa kahit anong kulay na garbage bag na may nakasulat na “infectious waste” pagkatapos ma-disinfect.

May karampatang multa ang mga mapapatunayang lalabag sa nasabing ordinansa.