January 23, 2025

ISKO MORENO: MGA IRESPONSABLENG MAGULANG IKULONG

Kuha mula sa Manila PIO

MATAPOS mapaulat na napakaraming menor de edad ngayon ang nahuhuling walang mask habang nasa kalsada magmula nang ipatupad ang quarantine period noong Marso 15 at lumabag sa curfew simula Hulyo 9, sinabi ni Manila Mayor na ang mga magulang ang mananagot sa kasalanan ng kanilang anak.

Nais tiyakin ni Moreno na mahigpit na maipapatupad ang Ordinance No. 8644 o ang ‘Mandatory Use of Face Mask in Public’ na una nang naipasa ng Manila City Council sa ilalim ni Presiding Officer at Vice Mayor Honey Lacuna, kabilang na ang curfew ordinance.

Naging buo ang pasya ng alkalde matapos niyang matanggap ang ulat ni Manila Police District (MPD) chief Gen. Rolly Miranda, kung saan sinabi nito na 1,039 ang lumabag sa ordinansa na puro mga menor de edad.

Aniya, 9,367 ang kabuuang bilang ng mga menor de edad na lumabag sa Ordinance No. 8547 o ang curfew ordinance.

Sinabi rin ng alkalde na wala siyang pakialam kung mapuno ang mga kulungan ng mga iresponsableng magulang na kakasuhan ng paglabag sa Ordinance (8243 (Anti-Child Endangerment Ordinance of the City Manila).

Ang mga nasabing ordinansa, aniya, ay bumabalangkas para sa layuning maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.

“Ang pagsusuot ng facemasks ang pinakamabisa at pinaka-available na depensa na meron ang bawat isa sa atin para makaiwas sa COVID-19.  Hindi exempted ang mga bata dito,” giit ni Moreno.

Samantala, sinabi ni Manila Department of Social Welfare Re Fugoso na maraming menor de edad na kabilang sa 1,028 street dwellers ang nasagip nitong nakaraang araw.

Ang masaklap sabi ni Moreno na karamihan sa kanila ay positibo sa COVID-19.