December 25, 2024

Isinampang katiwalian sa Ombudsman, sinagot ni Mayor Tiangco

Sinagot ni ang inihain na affidavit sa Ombudsman tungkol umano sa mga katiwalian na ginawa niya habang abala ang pamahalaang lungsod sa paghahanda sa mass vaccination laban sa COVID-19.


“Ayoko na po sanang bigyan pa ito ng panahon ngunit nadadamay po ang dangal ng ating pamahalaang lungsod kaya minabuti ko na po itong sagutin”, ani Mayor Tiangco.


Kahit sino naman aniya ay pwedeng maghain ng reklamo at hindi naman kailangang totoo ang ihahain na reklamo.


“Sanay na po ako sa ganitong klase ng pulitika. Hindi po ito makakasira sa ating layunin na gawin ang lahat ng makakaya para masiguro na ligtas ang bawat Navoteño at matulungan ang ating mga kababayan na makabangon mula sa pandemya”, dagdag niya.


Sa isyu ng korupsyon, ang Navotas ay binigyan ng COA ng limang magkakasunod na “unqualified opinion” ang pinakamataas na marka na binigay nila sa ahensya ng pamahalaan. Sa buong Metro Manila, ang Navotas lang ang may ganyang track record.

         
Katiwalian din daw ang hindi niya pag-report sa city hall kaya’t ang paliwanag dito ni Mayor Tiangco ay high risk siya dahil highly asthmatic at pinayuhan siya ng kanyang doctor na manatili sa bahay.


 “Alam po ng pamahalaang nasyonal, kasama na ang IATF na nagtatrabaho po ako sa bahay. Alam din po ito ng ating mga kasama sa pamahalaang lungsod at ng mga barangay na araw-araw, Lunes-Biyerenes ay nakakasama natin sa meeting para pag-usapan ang mga hakbang at maproteksyunan ang ating mga mamamayan laban sa COVID-19 at matugunan ang iba pa nilang pangangailangan”, sabi pa ni Tiangco.


Aniya, ang COVID response ng Navotas, mula mas testing hanggang sa isolation at treatment ang ginawang halimbawa ng Coordinated Operations to Defeat Epidemic (CODE) team para sa iba pang LGU noong nag-ikot sila sa iba-ibang lugar sa bansa.
 “Sa panahon ng pandemya, ang kailangan po natin ay pagtutulungan at pagkakaisa, hindi pamumulitika. Meron na tayong kinakaharap na COVID-19, wag nang dumagdag pa sa mga virus ng lipunan”, pahayag niya.