Bumagsak na rin sa kamay ng mga awtoridad ang isa pa sa anim na suspek na sangkot sa pagpatay sa dalawang lalaki matapos ang mahigit apat na taong pagtatago sa Navotas City.
Sakay pa ng ipinapasadang tricycle si Jerome Bolista, 33 ng Chungkang St Brgy. Tanza nang isilbi sa kanya ng mga tauhan ni P/SMSgt. Anthony Santillan ng Navotas Police Warrant and Subpoena Section ang warrant of arrest na inilabas ni Malabon Regional Trial Court (RTC) Judge Pedro Dabu ng Branch 170 na may kaugnayan sa kasong double murder at frustrated murder dakong alas-9:45 ng gabi sa Pabahay Socialized Housing sa Brgy. Tanza 2.
Si Bolista, kasama ang kanyang nakatatandang kapatid na si Ronnie, 37 at apat pang kasabuwat ang itinuturong may kagagawan ng pamamaslang kina Mark Alexis Fuentes at Christopher Sigua at tangkang pagpatay sa isa pang biktima na si Joel Espinosa na nagawang makatakas matapos magkunwaring wala ng buhay noong Marso 3, 2016.
Ayon kay P/Cpl. Renato Panganiban Jr, una ng naaresto ang may-ari ng bahay na pinag-katayan sa mga biktima na si Mario Mangali at ang live-in partner ni Ronnie na si Arlene Francisco nang datnan sila ng mga pulis sa loob ng bahay na itinuro ni Espinosa kung saan sila nilikida habang nililinis pa ang mga bakas ng dugo, samantalang ang nakatatandang kapatid ni Jerome na si Ronnie ay nadakip noong nakaraang lingo.
Nagawang makatakas ni Espinosa sa pamamagitan ng pagdaan sa butas ng bintana matapos magkunwaring patay na at kaagad nakapagsumbong sa pulisya. Sinabi ni Navotas police chief P/Col. Rolando Balasabas na patuloy ang isinasagawa nilang pagtugis sa dalawa pang kasabwat sa pagpatay na sina Arcenia Mangali at Lineth Caballero.
More Stories
SUV SA VIRAL VIDEO GUMAMIT NG PEKENG “7” PROTOCOL PLATE – TULFO
BAGYONG MARCE NAGBABANTA SA LUZON (Matapos ang hagupit nina Julian, Kristine at Leon)
PINOY PADDLERS DAPAT WALANG PUKNAT ANG PROGRAMA SA INTERNATONAL NA EKSENA – ESCOLLANTE