June 14, 2025

ISA LIGTAS, 242 PATAY SA AIR INDIA PLANE CRASH

AHMEDABAD, INDIA — Bumagsak ang isang commercial airplane ng Air India ilang minuto lamang matapos mag-take off nitong Huwebes ng hapon, na ikinasawi ng 242 pasahero at crew. Ayon sa mga awtoridad, tanging si Vishwashkumar Ramesh, isang British national na may lahing Indian, ang himalang nakaligtas sa trahedya.

Base sa ulat ni Dr. Dhaval Gameti, si Ramesh ay tumilapon mula sa eroplano at nakalakad patungo sa ambulansya. “Disoriented siya, maraming sugat, pero mukhang ligtas na sa panganib,” ayon kay Dr. Gameti.

Isinalaysay umano ni Ramesh na ilang sandali lang matapos ang pag-angat ng eroplano, bigla itong bumaba, at sa hindi maipaliwanag na pangyayari ay nahati ito at siya’y natapon palabas bago pa man sumabog ang sasakyang panghimpapawid.

Nakuha sa CCTV ang huling sandali ng eroplano — makikitang bahagya itong lumihis, bumaba ng direksyon, at biglang nawalan ng kontrol bago bumagsak at sumiklab sa isang dambuhalang apoy.

Sa crash site, makikitang tumagos ang katawan ng eroplano sa isang gusali na ginagamit bilang dining area ng mga medical student. Ang buntot ng eroplano ay naipit sa tuktok ng gusali, habang ang mga nasira nitong pakpak ay nagkalat sa paligid.

Ayon kay Indrajeet Singh Solanki, isa sa mga unang rumesponde, “Makapal ang usok. May mga bahagi ng eroplano na nasusunog. Ginamit namin ang mga auto rickshaw para isugod ang mga sugatan sa ospital. Siyam ang nadala namin.”

Ang trahedyang ito ay panibagong dagok sa Air India na matagal nang binabagabag ng mga aksidente at pagkalugi. Ilan sa mga pinakamalalalang insidente ay ang pagbagsak ng flight sa Mangalore noong 2010 na kumitil ng 158 buhay, at ang pagkahati ng eroplano sa Kerala noong 2020 na ikinamatay ng 18 katao.

Nasa ilalim ng kontrol ng gobyerno ang Air India mula 1953 hanggang 2022. Sa kabila ng pagsasapribado, patuloy pa rin itong sinusubok ng sunod-sunod na trahedya.

Iniimbestigahan na ngayon ng mga awtoridad ang sanhi ng insidente habang patuloy ang retrieval operations sa lugar ng sakuna.