November 19, 2024

INTERBENSYON NG GOBYERNO EPEKTIBO – RECTO (Sa pagbagal ng inflation nitong Agosto)


Binigyang-diin ng chief economic manager ni Pangulong Marcos ang pagiging epektibo ng interbensyon ng gobyerno upang mapanatiling mababa ang presyo ng mga bilihin.

Sa isang pahayag, sinabi ni Finance Secretary Ralph Recto, na patuloy nilang pahuhusayin ang mga kasalukuyang hakbangin ng gobyerno sa mga susunod na buwan upang mapabagal ang pagtaas ng presyo ng bilihin.

Binigyang-diin niya na ang mga ganitong aksyon ay lubos na makikinabang sa pang-araw-araw na pamumuhay ng mga Filipino, negosyo, at mas malawak na ekonomiya.

“We will not be complacent. While we are now seeing the positive results of our measures, we are proactively monitoring potential inflationary risks to address them in a timely and targeted manner,” ayon kay Recto.

Nitong Agosto, bumagal sa 3.3% ang inflation rate sa bansa mula sa 4.4% noong Hulyo 2024. Ang average inflation rate ay nasa 3.6%, na nasa loob ng target ng pamahalaan na 2.0% hanggang 4.0%.

Paliwanag ng PSA, bunsod ito ng mas mabagal na paggalaw ng presyo ng food and non-alcoholic beverages kabilang ang bigas at kamatis. Nakaambag rin sa pagbagal ng antas ng inflation ay ang mas mabagal na inflation sa diesel, gasolinana, at pamasahe sa barko na bumaba sa -0.2%.