IGINIIT ni Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo na inosente siya at nangako na ipagpapatuloy na ipagtatanggol ang kanyang integridad at pagkatao.
Ito’y matapos ipag-utos ng Ombudsman ang suspensiyon laban sa kanya bilang alkalde ng nasabing bayan.
“Nirerespeto ko ang legal na proseso at tinatanggap ang desisyon ng Ombudsman,” ayon kay Guo.
“Nais kong ulitin na ako ay inosente at nagsilbi ako sa aming bayan at sa mamamayan nito na may integridad. Naniniwala ako na ito ay isang oportunidad upang linawin ang akusasyon laban sa akin. Handa akong makipagtulungan sa mga awtoridad upang masiguro ang ang katotohanan at hustisya,” dagdag pa niya.
Nitong Mayo 31, naglabas ang Office of the Ombudsman ng kautusan upang suspendihin si Guo at dalawa pang opisyal ng Bamban. Ibinahagi sa media ang kopya ng kautusan ngayong araw.
Batay sa kautusan, sinabi ni Ombudsman Samuel Martires na: “sufficient grounds to preventively suspend” Guo and two other town officials “considering: that there is strong evidence showing their guilt.”
Bukod kay Guo, isinailalim din sa preventive suspension sina Municipal Business Permits and Licensing Office officer Edwin Ocampo at Municipal Legal Officer Adenn Sigua sa loob ng anim na buwan dahil sa umano’y pagkakasangkot nila sa Philippine Offshore Gaming Operator (POGO).
“Napakalungkot po ng aking nararamdaman dahil na rin sa mga hindi totoo at masasakit na paratang. Parang nauna nang may hatol sa akin bago pa man ako marinig. Ito ay isang paglabag sa aking karapatan bilang isang tao at bilang isang pinunong hinirang ng inyong boto. Gayunpaman, hindi ako susuko at patuloy kong ipagtatanggol ang aking integridad at pagkatao.” giit Guo.
Aminado si Gui na simula pa lamang ng kanyang laban at hindi niya ito susukuan para na rin sa mga residente na naniniwala sa kanya.
“Nandito pa rin ako, handang tumulong, para sa lahat ng kabataan ng Bamban, sa lahat ng mga matatanda, kalalakihan, kababaihan maging LGBTQ man, para sa lahat ng inaapi, mahihina, nawawalan ng pag-asa, sa lahat ng mga vulnerable at disadvantaged, sa mga negosyante, guro, mag-aaral, TODA, religious groups, farmers group, mga katutubo, tatay, nanay, ate, kuya, at sa lahat ng mga taga-Bamban. Umpisa pa lamang po ito. Hindi ko kayo iiwan.” pagtatapos pa ni Mayor Guo.
More Stories
Magtatag ng business permit at licensing office sa mga LGU para makaakit ng mamumuhunan – Gatchalian
₱152M TESDA negosyo kits hindi naipamahagi sa mga benepisyaryo
TRUST, APPROVAL RATINGS SA 4Q 2024 NI VP SARA, LUMAGAPAK – PULSE ASIA