November 17, 2024

Iniwan ng live-in partner, obrero lumagok ng silver cleaning solution

NAGPAKAMATAY ang isang construction worker sa pamamagitan ng pag-inum ng silver cleaning solution dahil sa depresyon makaraang hiwalayan umano ng kanyang live-in prtner sa Malabon City, kamakalawa ng gabi.


Sa ulat na ipinadala ni Malabon police chief P/Col. Amante Daro sa tanggapan ni Northern Police District (NPD) District Director P/BGen. Ponce Rogelio “Pojie” Penones, Jr., isinugod pa ni Rosemarie Camacho, 34 ng 438, NBBN, Navotas City, ang 35-anyos na pinsang buo sa Tondo Medical Center subalit patay na nang idating sa naturang pagamutan.


Sa ginawang panayam nina P/SSg Bengie Nalogoc at P/Cpl Renz Marlon Baniqued ng homicide section ng Malabon police kay Camacho, nagsimulang dumanas ng depresyon at pagkabalisa ang kanyang pinsang-buo tatlong buwan na ang nakararaan, makaraang hiwalayan umano ng kanyang live-in partner.


Dakong alas-8:15 ng gabi nang matanggap ni Camacho sa kanyang cellular phone ang mensahe mula sa biktima na naglalahad ng “Ingat ka tol una na ako”, “Bahala kana sa mga pamangkin mo”, “Eto na ako tol hanana napin ko nanay natin” “Wag Kang mag alala paki usap ko lang sayu wag Kang gagawa nang gulo sa burol ko IIYAK ka pro isipin magtimpi ka at maging masaya kau” kaya kaagad siyang nagtungo sa bahay ng pinsan sa Block 2, Damata, Barangay Tonsuya, Malabon City.


Dito na dinatnan ng ginang ang kaanak na nakahandusay at bumubula ang bibig habang sa tabi nito’y naroon pa ang botelya ng silver cleaning solution na hinihinalang nilaklak ng biktima.


Ayon sa pulisya, tumanggi na si Camacho at iba pang kaanak ng biktima na isailalim sa autopsy examination ang bangkay ng nasawi makaraang lumagda sa isang waiver na nagpapatigil na sa imbestigasyon sa paniwalang walang nangyaring “foul play” kundi sadyang nagpasiya ang lalaki na tapusin na ang kanyang buhay.