Naitala nitong Hunyo ang pinakamabilis na pagtaas ng presyo ng bilihin sa Pilipinas sa nakalipas na 44 buwan matapos tumalon sa 6.1% ang inflation rate kasabay ng sunud-sunod na oil price hikes, pagtataya ng Philippine Statistics Authority (PSA).
Ito’y matapos nitong maungusan ang 5.4% inflation rate na naitala nitong Mayo, na noo’y pinakamataas simula noong Nobyembre 2018.
“Ang headline inflation o ang pagtaas ng presyo ng mga produkto at serbisyo sa bansa ay bumilis sa antas na 6.1% nitong Hunyo 2022,” ayon sa pahayag ng PSA, Martes.
Ang dahilan ng mas mataas na antas ng inflation nitong Hunyo 2022 ay ang mas mabilis na pagtaas ng presyo ng Food and Non-Alcoholic Beverages. Ito ay may 6.0% inflation at 58.3% share sa pagtaas ng pangkalahatang inflation sa bansa.”
Labis-labis pa rin ito sa 2-4% na target ng Bangko Sentral ng Pilipinas. Dahil dito, tumuntong na sa 4.4% ang average inflation mula Enero 2022 hanggang Hunyo 2022.
Huling mas mataas ang inflation noong Nobyembre 2018, kung kailan umabot ito sa 6% na siyang labis na nagpataas sa presyo ng mga bilihin at serbisyo.
Ang pangalawang commodity group na nagpakita ng mas mataas na inflation noong nakaraang buwan ay ang sektor ng transportasyon, na may 17.1 inflation at 31.7% share sa pagtaas ng pangkalahatang inflation sa bansa.
“Ito ay dahil sa mas mabilis na pagtaas ng presyo ng Gasoline, na may 53.9% inflation; Other Passenger Transport by Road, tulad ng pamasahe sa jeep, na may 2.7% inflation; at Diesel, na may 92.5% inflation,” patuloy pa ng PSA.
Matatandaang lumobo sa lagpas P80 hanggang P90/litro ang presyo ng gasolina noong Hunyo. Sa monitoring ng Department of Energy noong buwang ‘yon, umabot na sa P30/litro (gasolina), P45.9/litro (diesel) at P39.75/litro (kerosone) ang year-to-date adjustments.
More Stories
Magtatag ng business permit at licensing office sa mga LGU para makaakit ng mamumuhunan – Gatchalian
₱152M TESDA negosyo kits hindi naipamahagi sa mga benepisyaryo
TRUST, APPROVAL RATINGS SA 4Q 2024 NI VP SARA, LUMAGAPAK – PULSE ASIA