
MAYO 7, 2025 — Gumulong ang ginhawa para sa mga mamimili! Bumaba sa 1.4% ang inflation rate ng bansa nitong Abril 2025 — pinakamababang antas mula pa noong Nobyembre 2019, ayon kay Finance Secretary Ralph G. Recto.
Ayon sa kalihim, hindi pa tapos ang laban kontra mahal na bilihin. “Hindi kami kampante. Patuloy ang kilos ng gobyerno para tuloy-tuloy ang pagbaba ng presyo ng pagkain at iba pang pangangailangan. Dapat maramdaman ito ng bawat pamilyang Pilipino,” diin ni Recto.
Isa sa mga pangunahing dahilan ng pagbaba ng inflation ay ang pagbagsak ng presyo ng bigas — bumaba ito ng -10.9% mula 23.9% noong nakaraang taon. Ang food inflation ay bumaba rin sa 0.7% mula 2.3% noong Marso.
Ang inflation para sa bottom 30% income households ay halos wala na sa 0.1% — isang malaking ginhawa lalo na para sa mga mahihirap.
Halos lahat ng rehiyon ay nakaranas ng mas mababang inflation, maliban sa NCR. Sa CAR at Cagayan Valley, bumagsak sa 2.0% ang inflation habang ang iba ay mas mababa pa sa target ng gobyerno.
Pero aminado si Recto na may banta pa rin mula sa presyo ng karne, serbisyo sa mga kainan, kuryente, at renta. Kaya’t todo na ang aksyon ng pamahalaan:
- Price ceiling sa baboy kontra epekto ng African Swine Fever
- Mas maraming imported na isda
- Rollout ng ASF vaccines
- Pamamahagi ng murang baboy sa pamamagitan ng Food Terminal Inc.
- PHP45/kilo na price cap sa imported rice
- Pagbabalik ng PHP20/kilo rice program matapos ang election ban
Pinalawig ng Toll Regulatory Board ang toll-free para sa mga trak ng gulay at iba pang agricultural products — epektibo simula Abril 7 at tatagal ng tatlong buwan.
Para naman sa taas-singil sa kuryente, ipinatutupad na ang price caps, phased recovery plans, at energy reforms. Target ng gobyerno na gawing mas mura at mas maaasahan ang kuryente gamit ang renewable at cost-effective na energy sources.
Dagdag ni Recto, ang mababang inflation ay nagbibigay ng espasyo para sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na magbaba ng interest rates — hakbang na makatutulong sa pagpapalakas ng gastos, negosyo, at ekonomiya sa gitna ng global uncertainties.
“Ang trabaho ay tuloy-tuloy. Hindi kami titigil hangga’t ang bawat Pilipino ay nakakakain nang sapat, nakakabili ng mura, at may kumpiyansa sa kinabukasan,” pagtatapos ni Recto.
More Stories
Xyrus Torres, Nagpakawala ng Tirang Panapos! NLEX Tinodas ang Ginebra, 89-86
BAGONG SANTO PAPA, HAHARAP SA ‘MAHIRAP AT MASALIMUOT’ NA PANAHON SA KASAYSAYAN
HVI tulak, huli sa buy bust sa Valenzuela, P476K shabu, nasamsam