November 24, 2024

Inendorso si Robredo?
PANELO PAHIYA SA CAMPAIGN RALLY SA CAMSUR

Mariing itinanggi ni senatorial candidate Salvador “Sal” Panelo na hindi niya inendorso si presidential candidate Vice President Leni Robredo sa isang campaign rally sa Camarines Sur nitong nakaraang Linggo.

Sa isang video na kumakalat sa social media ay makikita na sinambit ni Panelo na isang Bicolano na dapat ay tagaroon din daw sa kanilang lugar ang dapat suportahan nila.

“Tayong mga Bikolano, kung sino ang Bikolano, kailangan doon tayo!” sambit ni Panelo sa wikang Bikolano.

Dahil sa kumalat na videong ito ay nabawasan ang mga tagasuporta ni Panelo at ilang OFW ang sinabi an hindi nila ibinoto ang senatorial candidate sa exit poll.

Ngunit ayon kay Panelo, hindi kumpleto ang kumalat na video sa social media.

Paliwanag ng dating tagapagsalita ni Pangulong Rodrigo Duterte, sinubukan niyang i-endorso si presidential candidate Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa mga taga CamSur.

Ngunit hindi ito tinanggap ng mga tagadoon at isinagaw ang pangalan ni Robredo.

Ang CamSur ay isa sa mga balwarte ni Robredo.

Ayon kay Panelo ay hindi niya na lamang itinuloy ang pag-endorso kay Marcos at nirespeto na lamang ang kagustuhan ng mga taga CamSur.

Inamin niya naman na napahiya siya ngunit hindi niya parin inendorso si Robredo.

“Makikita niyo po sa ibang video na sa simula ng aking talumpati ay ikinampanya ko si Bongbong Marcos (BBM) bilang pangulo. Ginawa ko ito kahit alam kong balwarte ni Leni ang CamSur dahil hindi ako balimbing. Iisa lang ang sinusuportahan kong kandidato kahit nasaan akong parte ng bansa.” paliwanag ni Panelo.

“Kagaya ng lagi kong ginagawa sa lahat ng rally na pinupuntahan ko, pinasigaw ko sa madla ang pangalan ni BBM. Sa kasamaang palad, puro “Leni! Leni!” ang binalik sa akin ng mga libo-libong Bicolano na dumalo sa rally. Sa madaling salita, napahiya ako. “

“Para hindi magkagulo o magkainitan, at para naman pakinggan nila ang talumapti at plataporma ko, linambing ko na lang ang mga kapwa ko Bicolano at sinabi sa aming wika na: “Tayong mga Bicolano, kung sinong Bicolano, doon tayo!” ‘Yun lang po ang layunin ko ng sabihin ko ‘yun. Total, Bicolano din ako, at natural lamang na hingin ko ang suporta ng mga kababayan ko. ” sabi niya pa.