January 23, 2025

Independent autopsy hiling ng pamilya Mabasa… SAKIT SA PUSO IKINAMATAY NG ‘MIDDLEMAN’ SA PERCY SLAY

Kung pagbibigyan ng estado, nais ng pamilya ng pinaslang na brodkaster at komentaristang si Percival Mabasa alyas Percy Lapid na magkaroon ng independent autopsy sa bangkay ng middleman na pinangalanan ng self-confessed hitman na si Joel Escorial.

Panawagan ito ni Roy Mabasa, kapatid ni Percy Mabasa, at hiniling sa sinumang indibidwal, samahan at organisasyon na makakatulong sa kanila upang magkaroon ng independent autopsy sa bangkay ng umanoy middleman na si Crisanto Villamor Jr.

“Kami po’y nananawagan sa kung sino ang pwedeng tumulong sa amin na magkaroon ng independent autopsy sa labi ni Villamor,” pahayag ni Roy Mabasa sa isang panayam sa telebisyon ngayong araw ng Sabado.

Ang pagsasagawa ng independent autopsy sa bangkay ni Villamor ay makakatulong sa pamilya Mabasa para sa kapanatagan ng kanilang kalooban.

“Importante po para sa amin ‘yan (independent autopsy). Makakatulong po ‘yan na mapayapa ang aming kalooban,” dagdag ni Mabasa.

Matatandaan na noong Huwebes ay inanunsyo ni Department of Justice (DOJ) Secretary Crispin Remulla na namatay ang middleman na itinuturo ng gunman na si Escorial sa loob ng National Bilibid Prison (NBP) kung saan ito nakakulong kaya agad itong isinailalim sa autopsiya ng National Bureau of Investigation (NBI).

Inanunsyo naman ng NBI ngayong araw na base sa autopsy report nagtamo ng suffered hemorrhage sa puso ang dahilan ng pagkamatay ni Villamor.

“The heart showed a hemorrhagic area over the left ventricle. The mitral valve is sclerotic, which could indicate previous illness or valvular infection,” ayon sa consolidated initial report ng NBI.

Matatandaang nauna ng sinabi ng Bureau of Corrections base sa inisyal na pagsusuri ng bangkay ni Villamor Jr, wala umano itong external injuries at posibleng natural at walang foul play sa pagkamatay ng bilanggo.