NAGAWANG maagaw ng kanyang dating kaklase ang baril ng isang negosyante na ipagyayabang lang sana niya nang inakala ng biktima na gagamitin ito sa kanya ng suspek sa Malabon City, kamakalawa ng gabi.
Sa imbestigasyon nina P/SSgt/ Bengie Nalogoc at P/Cpl Rocky Pagindas, nakikipag-inuman sa kanyang mga kaibigan si Arnold Arigadas, 40 ng 134 Sitio Santo Niño, Governor Pascual St., Brgy. Concepcion nang dumating ang suspek na si Oliver Duque, 38, businessman ng 63 Kaunlaran St. Brgy. Muzon dakong alas-10 ng gabi at niyaya ang dating ka-klase dahil may ipapakita umano sa kanya.
Pagsapit ng dalawa sa madilim na bahagi ng Kasarinlan St. Brgy Muzon, bigla umanong binunot ng suspek ang kalibre .45 baril na may magazine na kargado ng pitong bala subalit bago pa umano maitutok sa biktima ay nakipag-agawan na ito hanggang sa makuha ang armas.
Dahil dito, nagtatakbo ang suspek palayo kaya’t nagpasiya ang biktima na ibigay sa kanyang kapatid ang baril upang isuko kina P/SSgt.Jerson Bauzon at P/Cpl Ramrod Reyes ng Malabon Police Sub Station 7 na nagresponde sa lugar.
Ayon naman sa mga nakasaksi, ipagyayabang lamang umano ng suspek sa biktima ang dalang baril subalit inakala ng huli na gagamitin ito sa kanya kaya’t kaagad siyang nakipag-agawan. Iniutos na ni Malabon City Police Chief P/Col. Amante Daro ang pagtugis sa suspek na sasampahan ng kasong grave threat bagama’t puwede pang madagdagan ito kapag nabigo siyang magpakita ng mga papeles na magpapatunay na lisensiyado at may permit to carry ang baril.
More Stories
ZERO BUDGET DESERVE NI VP SARA – ESPIRITU
IMEE, VILLAR UMABOT NA SA P1-B ANG GASTOS SA POLITICAL ADS
KUWAITI NATIONAL UMAMIN SA PAGPATAY SA OFW