January 23, 2025

INAANGKAT NA GALUNGGONG MULA CHINA, GALING SA WEST PHILIPPINE SEA, GRABE!

Magandang araw mga Cabalen. Sana ay nasa mabuti kayong kalagayan. Hihimayin natin ang matagal nang isyu sa panghihimasok ng China sa West Philippine Sea.

Naiinis tayo dahil mas maangas pa ang Chinese maritime militia na nangingisda sa ating karagatan. Partikular sa Scarborough Shoal. Grabe.

Tone-toneladang kilo ng isda ang hinaharbat nila gamit ang 240 giant trawlers. Ang sukat nito ay 60 meters na humahakot ng 24,000 kilo ng isda sa ating karagatan. Mantakin n’yo yan.

Dapat sana’y mga fisherolks natin o mangingisda ang nakikinabang dyan. Kaya naman, kada harbat nila ay nag-aahon sila ng 57,600,000 kilo ng isda.

Na kung iko-convert ang halaga ng kanilang kinuha ay mga nasa 58 milyon sapol mula Marso-Abril ng taong ito.

Kaya dumadaing ang ating mangingisda na sanay gumanda ang buhay nila kung napasa kanila ang biyaya. Kaso, hindi. Bakit ba nagkaganun? Sino ang may kasalanan?

Ang kasalukuyang administrasyon ba o ang mga nagdaan? Maliwanag na pagnanakaw ang ginagawaing ito ng Chinese maritime militia.

Sila’y mga Chinese fisherman na inarmasan ng Chinese Navy. Kaya ang lalakas ng loob. KInakaya-kaya lang ang ating mga mangingisda.

Ang matindi, sariling atin pang isda ang inaangkat natin mula sa Hainan, China. Na hinarbat ng Chinese maritime militia. Lalo na ng galunggong. Wakanga!

Bukod dito, winawasak din ng China ang ating mga bahura para makahuli ng rare species ng yamang dagat. Inuubis din ang mineral reserve at new medicine ng mga ito. Aba’y sobra na!

Hindi naman pwedeng asal-kanto ang igaganti natin sa kanila. May punto si Pangulong Duterte. Gayunman, dapat baliin ang sungay ng ilan sa alipores ng kanyang kaibigang nasyon.

Na tuwirang nagnanakaw ng ating yamang dagat. Sa ganang atin, diplomasya ang kailangan para rito. Pero, matigas na ang China.

Bakit kaya? Kinokonsenti ba ng administrasyon? O nahilot na sila ng nagdaang nanungkulan? Nagtatanong lang po!