
Hinarang ng Bureau of Immigration (BI) ang isang 42-anyos na ina matapos umanong tangkaing ibenta ang sariling anak sa isang Chinese national bilang mail-order bride, sa isang insidenteng nangyari noong Mayo 13.
Ayon kay BI Spokesperson Dana Sandoval, naharang ang mag-ina sa immigration protection and border enforcement section (I-PROBES) habang nakatakda sanang sumakay sa Philippine Airlines flight patungong China.
Sa isinagawang secondary inspection, sinabi ng anak na layunin nilang pumunta sa China upang sumama sa sinasabing asawa nito—isang Chinese citizen. Subalit agad na napansin ng mga awtoridad na peke ang marriage certificate na ipinakita ng dalagita.
Sa karagdagang imbestigasyon, inamin ng anak na hindi niya alam na siya pala ay ipapakasal, at tanging ang ina lamang niya ang nag-ayos ng kasunduan. Ayon sa dalaga, ipinakilala lamang sa kanya ang lalaki noong Marso 11, at matapos ang umano’y kasal, siya’y binigyan ng ₱5,000 kapalit ng kasunduan.
Sinabi rin ng ina na ang layunin ng kasal ay para magkaroon sila ng pinansyal na suporta mula sa banyagang lalaki.
Agad na itinurn-over ang mag-ina sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) para sa mas malalim na imbestigasyon at tulong, partikular sa menor de edad na biktima.
Mariing kinondena ng BI ang insidente, na isa na namang paalala sa patuloy na banta ng human trafficking at kung paanong ang kahirapan ay minsang nagtutulak sa mga magulang na isakripisyo ang kinabukasan ng kanilang mga anak. (ARSENIO TAN)
More Stories
Toby Tiangco, tinawag na ‘big loser’ ni Barry Gutierrez sa palpak na kampanya ng Alyansa
Marcos hinihikayat ang bayan na magkaisa at ituon ang pansin sa pag-unlad pagkatapos ng midterm elections
Walang ‘bloodbath’ sa impeachment trial ni VP Sara Duterte — Leila De Lima