DINAKIP ng mga awtoridad ang dalawang katao dahil sa umano’y pagbebenta ng 8 buwang taong gulang na bata sa Facebook sa Dasmariñas, Cavite.
Inaresto ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Philippine National Police (PNP) Women and Children Protection Center ang ina ng sanggol at broker na nagbenta umano sa sanggol sa halagang P90,000, ayon kay DSWD Secretary Rex Gatchalian.
Naaresto ang dalawa sa isinagawang entrapment operation sa isang simbahan sa Cavite.
“They were arrested, detained in Camp Crame, and they were inquested,” ayon kay PCol. Renato Mercado ng PNP Women and Children Protection Center.
Nababahala si Gatchalian dahil namonitor nila ang illegal na pagbebenta ng sanggol sa pamamagitan ng Facebook marketplace, kung saan ipinopost ng mga magulang ang kanilang mga anak na sanggol para ipaampon.
May mga magulang din na naghahanap ng mga bata para ampunin sa pamamagitan ng social media, aniya.
Ayon kay Gatchalian, ang pag-aampon sa labas ng guidelines ng National Authority for Child Care ay isang krimen.
Sa ngayon, mayroon na silang minomonitor na nasa 20 hanggang 40 social media pages kung saan ibinebenta ang mga sanggol.
“Worrisome sya kasi lumalaganap, it’s a cruel form of child exploitation,” ayon kay Gatchalian.
“Hindi rason ang kahirapan na ibenta nyo ang inyong mga anak, common sense at basic moral yun,” dagdag niya.
Ayon kay DSWD Undersecretary Janella Estrada, ginawa nilang mas mura at madali ang pag-aampon.
Aniya, pinaikli ng gobyerno ang proseso sa legal na pag-aampon sa 6 hanggang 9 na buwan na may mas mabilis na matching process at streamlined requirements.
“DSWD will prosecute to the fullest extend of the law those found to be engaging in unsanctioned adoptions over social media platforms,” saad niya.
More Stories
Para sa kabataan, Sexuality Education suportado ng DepEd
Cotabato City mayor, 4 iba pa, kinasuhan ng pandarambong
P10.5-M ALAHAS, GADGETS AT PERA NILIMAS NG MGA NAGPANGGAP NA GOV’T EMPLOYEE SA LAGUNA