TODAS na nang matagpuan ang 6-taong gulang na batang lalaki na may kapansanan at ang 43-anyos niyang ina matapos pagpapaluin sa ulo ng isang drug addict sa loob ng kanilang bahay sa Valenzuela City.
Lumabas sa imbestigasyon, natuklasan ang bangkay ng PWD na batang lalaki at ina niyang si alyas “Janice” ng 18-anyos na anak na babae ng biktima dakong alas-8:30 ng gabi noong Martes, Nobyembre 19, sa loob ng kanilang tirahan sa Little Pampanga Ext. Bukid, Brgy. Balangkas nang umuwi galing sa pinapasukang paaralan.
Kaagad naman pinakilos ni Valenzuela Police Chief P/Col. Nixon Cayaban ang kanyang mga tauhan upang tugisin ang suspek na si Michael Francisco subalit, hindi na siya inabutan sa kanyang tirahan sa Nazarenus St. Brgy. San Pascual, Obando, Bulacan matapos magpaalam sa mga kaanak na aalis muna kahit nakaburol pa ang namayapang ama dahil nakapatay siya ng mag-ina sa Valenzuela.
Napagalaman na bago naganap ang insidente, nagtungo ang mag-ina sa bahay ng isang alyas Ronald dakong alas-8:00 ng umaga upang pakiusapang isangla sa Meycauayan City ang kanyang kuwintas at muling bumalik makaraan ang dalawang oras para kunin ang salaping pinagsanlaan ng alahas.
Sinabi sa pulisya ni Ronald na nakiusap sa kanya ang ginang na mananatili muna sa kanila dahil nangangamba siya sa ikinikilos ng suspek na Francisco na unang nagtungo sa kanilang bahay at puwersahan siyang pinagamit ng shabu.
Pumayag naman si Ronald subalit, nang pagbalik siya matapos umalis para bumili ng pagkain, ay wala na ang mag-ina hanggang mabalitaan na lamang niya na patay na ang mga ito.
Kinumpirma naman ng 13-anyos na isa pang lalaki ng biktima na nagtungo nga sa kanilang bahay ang suspek at hinahanap ang kanyang ina. Nang dumating na aniya ang kanyang ina, kasama ang nakababata niyang kapatid, umalis na siya para pumasok sa paaralan at iniwan na naroon pa ang suspek.
Sa pagsusuri sa nakakabit na CCTV sa lugar, nakita ang suspek na sinusundan ang mag-ina nang magtungo sa bahay ni alyas Ronald at muli siyang nakitang sumusunod nang pauwi na sa bahay ang mga biktima.
Lumabas naman sa autopsy report ng pulisya na maraming palo ng matigas na bagay sa ulo ang ikinasawi ng mga biktima habang inaalam pa ang tunay na motibo ng suspek sa pagpatay sa mag-ina.
More Stories
Magtatag ng business permit at licensing office sa mga LGU para makaakit ng mamumuhunan – Gatchalian
₱152M TESDA negosyo kits hindi naipamahagi sa mga benepisyaryo
TRUST, APPROVAL RATINGS SA 4Q 2024 NI VP SARA, LUMAGAPAK – PULSE ASIA