January 19, 2025

Importasyon ng bigas, ‘di magpapababa ng presyo

Tulad sa nakaraan, hindi ibababa ng importasyon ang presyo ng bigas sa Pilipinas.

“Sa apat na taon ng Republic Act 11203 o Rice Liberalization Law, bigo itong mapababa ang presyo ng bigas sa ₱25 kada kilo,” ayon sa grupong Bantay Bigas. “Lalong malayo ang ipinangako ni Marcos Jr. na ₱20 kada kilo.” Katunayan, tumaas nang ₱7 kada kilo ang presyo ng bigas mula huling linggo ng Hulyo.

Ayon mismo sa datos ng estado, sa buwan na unang nagkabisa ang RTL (Marso 2019), ang lokal na bigas ay nasa ₱39-40 kada kilo. Pagsapit ng Agosto 2023, nasa ₱40.50-45 kada kilo na ito. Hindi rin natupad ang pangakong “mapapakikinabangan” ng mga magsasaka ang ₱30 bilyong Rice Competitiveness Enhancement Fund na para diumano sa mekanisasyon ng agrikultura. Ayon sa PhilMech, ang tulong na mekanisasyon ay sumaklaw lamang sa 14% sa kabuuang 2.7 milyong ektaryang palayan sa buong bansa.

Samantala, palaki nang palaki ang inaangkat na bigas ng Pilipinas.

“Ngayong buwan, may 300,000-500,000 metriko tonelada (MT) na papasok sa bansa mula sa Vietnam at Thailand. Iba pa ang kabuuang 1.995 milyong MT na pumasok ngayong taon. Noong 2022, umabot sa 3.8 MMT na pumatay sa industriya ng palay at bigas natin,” pahayag ni Cathy Estavillo ng grupong Amihan at Bantay Bigas.

Malinaw na hindi sagot ang importasyon para pababain ang presyo ng bigas sa merkado, aniya. “Binigyan lamang nito ng kapangyarihan ang mga private trader at hoarder na kontrolin at manipulahin ang suplay at presyo ng bigas.”

Samantala, pinabulaanan ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) ang mga balitang pumapalo hanggang ₱34 kada kilo ang bilihan ng palay, at na ito ang magiging dahilan kung bakit nakaambang tumalon tungong ₱60 kada kilo ang presyo ng lokal na bigas.

Ayon sa KMP, nasa ₱20 lamang ang bilihan ng palay sa Bulacan, ₱21-₱22 sa Isabela at ₱20 rin sa Occidental Mindoro. Ni hindi pa panahon ng anihan, kaya wala pang bentahang nagaganap. Nagbabala ang KMP sa mga konsyumer at sa publiko sa maaring pagmanipula ng mga komersyante ng presyo ng palay para bigyang katwiran ang biglang pagpalo ng presyo ng bigas. Mayorya ng lokal na produksyon ay binibili ng mga komersyante dahil sa baba ng kakayahan ng National Food Authority na bilhin ang ani ng mga magsasaka.