June 13, 2025

IMPEACHMENT ORDERS NG SENADO, ANG LABO — HOUSE PANEL

MAYNILA — Inihayag ng House prosecution panel na magsusumite ito ng pormal na kahilingan para sa paglilinaw mula sa Senate impeachment court kaugnay ng dalawang kautusang inilabas ng Senado nitong Martes.

Sa isang press briefing, sinabi ni Batangas Rep. Gerville Luistro na kabilang sa mga kautusang ito ang pag-aatas sa House panel na maglabas ng sertipikasyon ng pagsunod sa Konstitusyon kaugnay ng paghahain ng impeachment complaint laban kay Pangalawang Pangulo Sara Duterte.

Ayon kay Luistro, “Tungkol sa unang utos hinggil sa sertipikasyon ng pagsunod sa Konstitusyon sa paghahain ng reklamo, pinaninindigan po namin na kami ay ganap at mahigpit na sumunod sa lahat ng itinatadhana ng Saligang Batas. Wala po kaming nilabag na one-year prohibition rule.”

Noong Pebrero 5, inaprubahan ng House of Representatives ang impeachment laban kay Duterte, kung saan 215 na kinatawan ang pumabor sa reklamo — higit pa sa kinakailangang isa sa bawat tatlong miyembro ng Kamara.

Ang ikalawang kautusan naman ay humihiling sa House of Representatives ng ika-20 Kongreso na ipabatid sa Senado ang kahandaan nitong ituloy ang impeachment complaint laban sa Bise Presidente.

“Nalilito po ang prosecution panel sa naturang kautusan ng impeachment court. Kaya’t napagpasyahan naming humingi ng paglilinaw,” pahayag ni Luistro.

“Sa totoo lang, hindi ito maaaring ipatupad sa ngayon sapagkat wala pa ang ika-20 Kongreso.”

Paliwanag pa ni Luistro, kasalukuyang nasa ika-19 na Kongreso pa lamang ang bansa, na mag-a-adjourn pa bago bumalik ang mga mambabatas sa Hulyo 28, kasabay ng State of the Nation Address (SONA), kung kailan magsisimula ang ika-20 Kongreso.

Bukod dito, hihilingin din ng House panel ng paliwanag mula sa Senado hinggil sa kautusan nitong kanselahin ang presentasyon ng Articles of Impeachment.

“Ayon po sa presiding officer ng impeachment court, ang referral ng verified complaint sa Senado ay nagpapawalang-saysay na sa presentasyon at pagbasa ng Articles,” ani Luistro.

“Gayunman, batid nating bahagi ng Senate Rules on Impeachment ang presentasyon ng Articles. Kaya’t kami po ay humihingi ng patnubay at paglilinaw mula sa impeachment court upang matiyak naming nasusunod namin nang wasto ang kanilang mga direktiba,” dagdag pa niya.

Patuloy na inaabangan ng publiko ang mga susunod na hakbang sa impeachment proceedings laban kay Vice President Duterte, kasabay ng mga legal na tanong at prosesong humuhubog sa makasaysayang pagdinig na ito.