December 25, 2024

IMEE: WALANG PAKUNDANGANG PAG-IMPORT NG GULAY, PANANABOTAHE SA EKONOMIYA

Paiimbestigahan ni Senador Imee Marcos ang posibleng sabotahe sa ekonomiya sa kasagsagan ng hindi napapanahon at sobra-sobrang importasyon ng mga gulay mula China habang ang mga gulay ng mga lokal na magsasaka sa Benguet at iba pang taniman sa Cordillera ay patuloy na nabubulok.

Sa harap nito,  ihahain ni Marcos, chairman ng Senate committee on economic affairs, ang isang Senate Resolution para hantingin ang mga importer at mga opisyal sa Department of Agriculture (DA) at Bureau of Customs (BOC) na sangkot sa agricultural smuggling.

“Wala tayong kadala-dala, nangyari na ito nung 2020, at nabigyan na ang DA ng Kadiwa trucks, tauhan at pambili ng gulay at baboy. Bakit ayaw pa rin ng DA bumili sa Pilipino? Bakit puro imported ang pinapaboran nila? Totoo nga bang nagpalit na sila ng pangalan sa Department of Importation, imbes na Agriculture?”

“Bugbog na ang mga local farmer sa pandemya at sa utang, hindi pa nabibili ang kanilang mga ani. Nabubulok at itinatapon na lang ang mga gulay na dapat sana mapakinabangan sa Metro Manila, kung naagapan lang ng DA,” dagdag pa ni Marcos.

Ang pagpupuslit ng mga produktong pang-agrikultura sa bansa ay isang uri ng pananabotahe sa ekonomiya at may katapat na kaparusahan sa ilalim ng Anti-Agricultural Smuggling Act of 2016, o Republic Act 10845, banggit pa ni Marcos.

Sa harap ng kawalan ng mga bumibili sa mga lokal na magsasaka at ng pagkabulok ng kanilang ani dahil sa mga restriksyon sa quarantine, nakakumpiska ang BOC ng nasa Php4.7 million na mga imported na mga repolyo, mga carrot, brocolli at iba pang gulay sa isang raid noong Huwebes sa Divisoria at iba pang parte ng Tondo, Manila.

Samantala, nasa walong metriko toneladang mga kamatis mula Ifugao ang itinapon na lang, ibinenta ng palugi sa mga hog at duck raisers, o ibinalik na lang sa kanilang mga taniman dahil sa hindi man lang ito binibigyang pansin ng DA.

“Kailangan kumain ng maraming lokal na gulay ang DA at walang kasusta-sustansiya ang pamamalakad nito. Bakit hindi tuloy-tuloy ang pag-andar ng mga Kadiwa centers at ginagawang panakip-butas lang pag andyan na ang problema?” ayon kay Marcos.

“Ang pagbibigay proteksyon sa ating mga lokal na mga magsasaka ang solusyon sa pangmatagalang pambansang seguridad sa pagkain at hinid importasyon ng mga produktong pang-agrikultura, kahit pa legal ito,” giit pa ni Marcos.